HINDI mapakali si Viring nang hindi makita sa swimming pool sina Sampaguita at Levi. Kanina lamang ay nakita niyang naliligo ang mga ito at masayang-masaya. Bakit biglang nawala?
Kahit sinabi sa kanya ni Sir Manuel na huwag pakialaman ang desisyon ni Sampaguita, hindi matahimik si Viring. Para bang nanghihinayang siya na basta na lamang masisira ang plano ni Sir Manuel.
Hindi nakatiis si Viring at tinungo ang kuwarto ni Sam sa second floor. Palagay niya ay naroon ang dalawa. Gusto niyang makita kung ano ang ginagawa ng mga ito. Naka-handa na siya anuman ang makita. Mayroon na siyang isusumbong kay Sir Manuel at pati kay Ram. Siya ang saksi sa ginawang pagtalikod ni Sam sa kasunduan.
Dahan-dahang siyang umakyat sa hagdan. Tinungo ang kuwarto ni Sam. Nakaawang ang pinto. Kahit kinakabahan, dahan-dahan siyang sumilip.
Nakita niya si Sam. Nakahiga ito sa kama.
Pero hindi niya nakita si Levi! Baka nasa dakong ulunan ni Sam. Sinilip niya. Wala sa ulunan! Wala na si Levi!
Tumalikod na si Viring. Pero nang bababa na siya, narinig niya ang tawag ni Sam.
“Manang Viring!’’
Lumingon siya.
“Puwede kitang makausap, Manang?’’
“Ha? A, oo! Ano yun Senyorita?’’
Nilapitan siya ni Sam.
‘‘Alam ko, sinilip mo ako sa kuwarto. Akala mo, naroon si Levi.’’
Hindi makasagot si Viring.
‘‘Umalis na siya Manang. Kanina pa siya umalis.’’
‘‘Ganun ba?’’
‘‘Sabi ni Levi babalik na lang uli siya.’’
‘‘Kumusta naman ang paglabas n’yo noong isang gabi?’’
“Masaya Manang. Nagyayaya nga uli siya bukas. Pero sabi ko, pag-iisipan ko.’’
“E Senyorita Sam, huwag mo namang ikagagalit ang itatanong ko. Kasi’y napapansin kong malapit na malapit na ang loob mo sa kanya. Paano po ang plano ni Sir Manuel?’’
Hindi nakasagot si Sam. Parang nabigla sa tanong ni Viring.
‘‘Viring, nakikiusap ako na huwag mo munang ikukuwento kay Sir Manuel ang nangyayari rito. Huwag mo munang isusumbong ang mga nakikita mo. Nakikiusap ako, Viring. Makakaasa ba ako, Viring?’’
Si Viring naman ang hindi nakasagot. Nakatingin lang kay Sam.
“Kung anuman ang nakikita mo, sarilinin mo na lamang muna.’’
“Pati po kay Ram?’’
“Oo.’’
“Ano po ang problema, Senyorita?”
“Ako na lang ang nakaaalam niyon, Viring. Sa ngayon, hindi pa kita masagot. Sana maunawaan mo ako.’’
Napatango si Viring.
‘‘Salamat Viring. Kung anuman ang makita at maobserbahan mo, huwag mo nang pansinin.’’
Napatango muli si Viring.
Kung alam lamang ni Sam na nag-usap na sila ni Sir Manuel at nasabi na niya rito ang mga napapansin sa dalaga.
Bahala na, nasabi ni Viring sa sarili.
(Itutuloy)