Nakakaalarma ang ulat ng World Health Organization (WHO)sa pagsasabing nasa 7,000 mga Pinoy ang nasasawi taun-taon dahil sa aksidente sa lansangan.
Hindi nga ba’t nito lamang nakalipas na linggo, sunud-sunod nga naman ang naganap na malagim na aksidente sa daan. Kabilang dito ang pagsalpok ng isang Valisno bus sa isang konkretong arko sa Quezon City na dito, apat ang nasawi at nasa 18 pa ang nasugatan. Sa tindi ng pagkabangga nawakwak ang halos kalahati ng bus.
Kinabukasan isang trahedya sa lansangan na naman ang naganap kung saan pinitpit ng isang 22-wheeler truck ang isang kotse sa Pasig City. Dalawa ang nasawi.
Sa datos na ipinalabas ng WHO 79 porsiyento umano rito ay sanhi ng driver’s error, 11 percent ang dahil sa depektibong behikulo at 10 porsiyento naman ay dahil sa masamang kondisyon ng daan.
Nabibilang pa nga raw ang Pilipinas sa mga bansang masasabing may pinakamasamang kondisyon ng mga lansangan sa buong mundo.
Baka nga kabilang pa ang Pinas sa may pinakamaraming barumbado at kawalang disiplinang driver kaya mataas ang aksidente sa mga lansangan.
Marami sa bansa ang mga pasaway, maiinitin ang ulo kaya konting kibot lang nandyan na ang bangayan.
Labing-isang porsiyento lamang ang sinasabing dahil sa depektibong sasakyan na nasasangkot sa mga aksidente, pero bakit sa tuwing may trahedya ang palusot at alibi ng driver eh nawalan siya ng preno.
Sa dahilan naman na masamang kondisyon ng lansangan, aba’y tamang-tama yan.
Maraming mga pangunahing kalsada lalu na sa Metro Manila ang nasusumpungan sa ganitong kalagayan.
Madalas may biglaang lubak.
May ilan bukod sa madilim, kulang o kung meron man hindi na halos makita na mga road signs, markings at speed bumps.
Pagpinagsama-sama nga naman ang mga ito, talagang sasakto at sasagot sa kasagutan kung bakit mataas ang mga trahedya sa ating mga lansangan.