ANO ang mangyayari sa isang tao kung siya ay nasa kalawakan, bibiyahe patungo sa buwan, sa Mars o sa ibang planeta nang walang suot na spacesuit? Ito ang karaniwang nakikita nating isinusuot ng mga astronaut na lumalabas at umoorbit sa daigdig, umaakyat sa kalawakan, nagtutungo sa ibang planeta o nagtatrabaho sa International Space Station. Nagsisilbi itong proteksyon laban sa mga mababagsik at nakakamatay na elemento sa outer space.
Napaulat sa Space.com ang ilang paliwanag ni Paul Sutter na isang research fellow ng Astronomical Observatory of Trieste at visiting scholar sa Ohio State University’s Center for Cosmology and Astro-Particle Physics.
Ayon kay Sutter, hindi naman basta sasabog ang katawan mo at hindi naman kukulo ang dugo mo kung bigla kang tumilapon mula sa isang spacecraft halimbawa habang nasa kalawakan at wala kang suot na spacesuit. Dahil sa ating balat, mananatiling buo ang loob ng ating katawan at hindi magtatalsikan ang ating mga lamanloob. Pinapanatili naman nitong mataas ang blood pressure para hindi kumulo ang dugo.
Pero lolobo naman ang katawan ng isang tao sa outer space kung walang suot na spacesuit. Maiipon na parang maliliit na mga bula ang nitrogen na natutunaw sa dugo malapit sa balat. Lumalaki ang mga naturang bula na magpapalobo sa kanyang katawan. Lolobo muna ang kanyang mga kamay at paa bago ang ibang bahagi ng katawan hanggang magdulot ito ng pinsala sa mga tissue sa loob ng kanyang katawan. Tinatawag itong ebullism.
Dahan-dahan ka ring mamamatay sa sobrang lamig sa outer space. Walang maaaring magpainit sa iyong katawan. At wala ring hangin at oxygen sa kalawakan. Pero patuloy ang daloy ng dugo kahit walang oxygen at pumipintig pa rin ang puso.
Dahil walang oxygen, mamamatay ang utak. Mawawalan ka ng malay pagkaraan ng 15 segundo mula nang lumabas ka sa isang airlock. Hindi ka pa bangkay at maaari ka pang makaligtas kung merong makakasagip sa iyo sa loob ng isa o dalawang minuto. Kapag lumampas ang dalawang minuto at nananatili pa sa outer space ang isang tao nang walang space suit, mamamatay na ang lahat ng mga organ sa kanyang katawan dahil sa kawalan ng oxygen.