‘Dagdag pondo sa Hudikatura’

TALIWAS sa inaatungal ng mga ‘attack dog’ ng administrasyon sa Kongreso isinusulong ngayon ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na taasan ang pondo ng Hudikatura.  

Hindi ito uri ng anumang pangangampanya sa kung sinumang pulitiko. Ito ay pagtalakay lamang sa mga usapin na dati nang inaalisan ng programang BITAG Live.

Ito yung matagal nang pinag-iinitan nina Congressmen Neil Tupas Jr., Elpidio Barzaga at Rodolfo Fariñas na Judiciary Development Fund (JDF). Pilit iginigiit, pork barrel daw ng mga hukom.

Dahil idineklarang unconstitutional o ilegal ng Korte Suprema ang kontrobersyal na Priority Development Assistance Funds (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP), nakita nilang katapat ang JDF.

Kung anu-anong kalituhan at kaguluhan ang kanilang ikinalakal. Parang lumabas pa nga, gusto nilang gumanti sa Supreme Court. Buti naman ngayon at tumigil na sa kakakahol ang tatlong kumag, kenkoy, kolokoy sa Kongreso.   

Kabaligtaran naman ang isinusulong ni Rodriguez. Gusto niyang padagdagan ang pondo ng Hudikatura habang nakasalang ang budget deliberation.

Ayon sa kaniya, magkakapantay ang tatlong sangay ng pamahalaan, ang Ehekutibo, Lehislatura at Ehekutibo subalit pagdating sa pondo, 90% ang napupunta sa Ehekutibo. Ang nailalaan lang daw sa Hudikatura, wala pang isang porsyento ng taunang budget.

Tatlong bilyon ang isinusulong na pondo ng administrasyon para sa susunod na taong 2016. Pag-aaralan daw ng mga kongresista ang  budget hike proposal ni Rodriguez na katumbas ng P30 bilyones o 1% ng dinidinig na national budget.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan  tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

Show comments