PANAHON na upang ipatupad ng gobyerno na maghigpit sa telecommunications companies ((telcos) na nagbebenta ng prepaid cards.
Tama lang ang pagsusulong ng panukalang batas na obligahin ang mga telcos na kung sinuman ang bibili ng kanilang prepaid card ay kailangang nakarehistro sa mga nais bumili at magmay-ari ng prepaid SIM card.
Kung tutuusin, hindi na kailangan pa ang pagbalangkas ng batas dito at maari namang iutos ng National Telecommunications Commission (NTC) na obligahin ang telcos na iparehistro ang lahat ng prepaid SIM cards.
Ito ay upang mabilis na malaman ng mga otoridad sakaling gamitin sa mga panloloko at panggigipit sa sinumang mamamayan.
Malaki ang magiging kontribusyon nito kapag obligadong irehistro ang SIM card dahil mababawasan ang mga pag-abuso rito at mabilis na mapapanagot sa Anti-Cybercrime Law.
Unang-unang mapipigilan ay ang mga text scam na marami na ring nabiktima at ang pagpapakalat ng mga maling balita o maling impormasyon sa pamamagitan ng text na lubhang nakakaalarma sa publiko.
Bukod dito, maaring makatulong ito sa paglutas sa mga krimen dahil magkakaroon na ng lead ang mga otoridad para sa pagsimula ng imbestigasyon.
Maiiwasan na rin ang mga pambu-bully sa text ng ilang abusadong mamamayan at gayundin ang mga masasakit na salita at pananakot dahil madali ng malaman kung sino ang may-ari ng numero ng telepono at kung ito ay rehistrado.
At higit sa lahat ay mamo-monitor ng gobyerno ang kita ng mga telcos para matiyak na tama ang deklarasyon ng kita at binabayad na buwis.
Kapag tutol ang telcos sa panukalang ito ay maaring isipin ng publiko na umiiwas nga ito na ma-monitor ng tama ang kanilang kita at pagbabayad ng buwis.
Sa ibang bansa, obligadong magpresenta ng ID ang sinumang bibili ng SIM card upang magkaroon ng kaukulang record sakaling gamitin ito sa krimen o anumang kalokohan. Sana maipatupad ito agad sa bansa.