TINAGURIANG “road doctor” ang 66-anyos na retiradong engineer na si Gangadhara Tilak Katnam dahil mag-isa niyang inaayos ang mga lubak-lubak na kalsada sa kanyang bayan sa Hyderabad, India.
Ginawa niya ito nang mag-isa at walang kahit anong tulong mula sa gobyerno. Nag-iikot siya upang maghanap ng mga mapagkukunan ng libreng graba at alkitran. Kung wala naman siyang mahanap, gumagastos na lamang siya mula sa sariling bulsa para lamang maisaayos ang kalagayan ng mga kalsada sa kanyang bayan.
Ayon kay Tilak, nagsimula siyang magkusa sa pagkukumpuni ng mga kalsada nang minsang matilamsikan ng putik ng kanyang sasakyan ang isang grupo ng mga bata dahil sa nadaanan nitong malaking lubak sa kalsada. Nasangkot na rin siya sa iba pang mga aksidente dahil sa lubak-lubak na kalsada.
Inireklamo niya ito sa mga kinauukulan ngunit wala namang naging aksyon sa kanyang hinaing. Nagpasya na si Tilak na siya na mismo ang magkumpuni ng mga lubak sa daan nang masaksihan niya ang isang aksidenteng sanhi ng lubak sa kalsada na ikinamatay ng isang pedestrian.
Mula nang sinimulan ang panata, aabot na sa 1,000 mga lubak ang naayos mag-isa ni Tilak. Ginagastos niya ang kanyang pensiyon na hindi sinang-ayunan ng kanyang mga kamag-anak. Kaya naman nakiusap na ang kanyang anak sa pamahalaan sa Hyderabad na tulungan ang kanyang ama sa pagpapaayos ng kalsada upang hindi maubos ang ipon ng kanyang ama.
Ngayon ay maliit na lang ang halagang nanggagaling mula sa sariling bulsa ni Tilak dahil sinasagot na ng pamahalaan ang halos lahat ng gastos sa pagsasaayos ng mga lubak sa Hyderabad. Umaasa naman si Tilak na sana’y maging halimbawa siya para hindi na maghintay sa aksiyon ng gobyerno ang mga kapwa niya mamamayan.