“KUNG narito po sana si Ram, Senyorita Sam ay hindi makakapasok ang dalawang magnanakaw na ‘yun. Makakaya rin ni Ram na labanan ang dalawang yun,” sabi ni Viring.
“Nagtataka naman ako kung bakit wala pa si Ram. Ni hindi nagti-text o tumatawag sa akin,” sabi ni Sampaguita na may tampo sa boses.
“Baka po may masamang nangyari na nga sa kanyang ina. Baka natuluyan nang namatay. Matanda na po yata ang nanay niya.’’
‘‘Pero sana ay nag-text man lang siya o kaya’y tumawag.’’
“Baka masyadong abala si Ram.’’
Napahinga nang malalim si Sampaguita.
“Mabuti na lamang at narinig ni Levi ang pagsigaw ko. Mabilis siyang nakarating!’’
Napatango na lang si Viring. Sinabi na iyon kanina ni Sam. Inulit muli ang pagpuri kay Levi. Parang sa tono ay nahuhulog ang loob kay Levi. Hindi na nagsalita si Viring at baka isipin ni Sampaguita ay kontra siya sa ginawa ni Levi.
“Mas mabuti yata Viring ay sa isang kuwarto na tayo matulog mamaya. Kasi’y baka may magtangka na naman sa atin. Natatakot na ako! Wala naman si Ram. Baka mamatay na ako sa takot, Viring.’’
“Sige po, Senyorita. Mamayang gabi ay sa kuwarto mo na ako matutulog.’’
“Sige Viring. Malakas ang kutob ko na baka gumanti ang dalawa at balikan tayo. Alam nang wala tayong kasama rito.’’
Nag-uusap sila nang may kumatok sa gate.
“Tingnan mo, Viring kung sino ‘yun.’’
Tiningnan ni Viring. Si Levi at may hawak na dalawang lalaki na tila mga sanggano.
“Viring, si Sam nandiyan ba?’’
“Opo.’’
“Ipipresenta ko sa kanya ang dalawang ito. Ito ang mga magnanakaw na pumasok dito!’’
“Nasa loob po. Tatawagin ko.’’
Nang dumating si Sam, pinresenta ni Levi ang dalawang kawatan.
“Nahuli ko ang mga magnanakaw, Sam. Anong gagawin ko sa mga ito?’’
Hindi makasagot si Sam. Gulat na gulat siya sa ginawa ni Levi.
(Itutuloy)