Disyerto sa Afghanistan, napuno ng mga halaman dahil sa mga Japanese

ISANG dating disyerto sa Afghanistan ang ngayon ay hitik na hitik sa mga halaman at puno dahil sa isang programa ng mga Hapones sa naturang bansa.

Sa loob lamang ng siyam na taon, nagawang baguhin ng mga Japanese ang isang dating disyerto sa Nangarhar Province sa Afghanistan. Binansagan ng mga Japanese ang proyekto bilang Green Earth Program at layunin nito na gawing luntian ang 6,600 hectares na disyerto.

Nagtayo ng irigasyon ang mga Hapones sa lugar at tinamnan nila ng mga halaman at puno ang dating disyerto. Wala pang isang dekada ang lumipas ay isa nang luntiang lugar ang disyerto na dati rati’y walang tumutubo kahit damo.

Ngayon ay may mga punong namumunga na sa dating disyerto at dahil dito ay nagkaroon na rin ng mapagkakakitaan ang mga tao sa lugar. Sa katunayan nga ay aabot sa 600,000 ang mga bagong residente sa lugar dahil sa oportunidad na dala ng pagbabago ng kapaligiran. Nakatulong rin daw ang Green Earth Program sa pagsugpo sa Taliban na nahihirapan nang makapang-akit ng mga bagong miyembro sa kadahilanang nagkakaroon na ng trabaho ang mga kalalakihan doon.

Dahil sa tagumpay ng Green Earth Program ng Japan ay humihingi pa ng dagdag na tulong ang Afghans upang magawa ang naturang programa sa iba pang bahagi ng kanilang bansa.

 

Show comments