SINIMULAN na ng mga kongresista ang deliberasyon sa 2016 national budget at dapat bantayan ito ng publiko sa pangunguna ng oposisyon at iba pang militanteng grupo sa Kongreso.
Lahat ng mga kongresista ay maaaring kumandidato sa 2016 elections sa iba’t ibang posisyon kung kaya baka naman magkaroon ng milagro sa budget.
Hindi maiaalis ang pagdududa ng publiko dahil nagnanais siyempre ang mga kongresista na kung maipapasa ang panukalang budget ay mayroong silang mapapakikinabang.
Kahit pa nangako ang ilang mambabatas na dadaan daw sa butas ng karayom ang 2016 budget, nakakalusot pa rin ito.
Tulad na lang ng 2015 national budget, mayroong natuklasan si dating Senator Panfilo Lacson na umano’y milagro sa budget. Lumitaw ang tinatatawag na pork barrel fund na naikubli sa ibang pangalan.
Asahan natin na kung may maisisingit sa mga departamento ng budget ay tiyak na may pakinabang dito ang mga mag-aapruba na mambabatas.
Kaya naman kailangan ang ibayong pagbabantay sa bawat kilos ng mga mambabatas lalo na ng mga kaalyado ng administrasyon.
May posibilidad kasi na maganit sa eleksiyon ang aaprubahang budget na papabor sa kandidato ng administrasyon.
Madalas mangyari ang mga ganitong balita na umano’y sa deliberasyon ng panukalang budget nakapagsisingit ng budget na tila sila-sila ay nagsasabwatan dahil pare-parehong may pakinabang. Kailangan ang ibayong pagbabantay nating lahat sa 2016 budget.