Sampaguita (121)

UNANG gabi na walang kasamang lalaki sa bahay­ sina Sampaguita at Viring kaya sinigurado nila na nakasarado lahat ang mga pinto at bintana. Kahit nasa loob ng isang eksklusibong subdivision, hindi rin ligtas sa mga magnanakaw.

“Manang Viring, siguruhin mo pong nakakandado ang gate natin. Delikadong maiwan na bukas ang gate at baka may makasalisi.’’

“Opo, Senyorita Sam.’’

“Mabuti kung kasama natin si Ram dahil siya ang naka-assign sa gate at mga pinto.’’

“Sisiguruhin ko pong nakakandado.’’

“Pati ang pinto natin sa may swimming pool, i-check mo. Mahirap din pala na ma­laki ang bahay, maraming pinto na kailangang isara.’’

“Oo nga Senyorita. Hindi katulad ng bahay namin noon na iisa lang ang pintuan, he-he!’’

“Bakit iisa lang?’’

“Yun na po ang pasukan at labasan. Kasi sa ilalim kami ng tulay nakatira, he-he-he. Napaka-miserable po Senyo­rita. Kapag tumataas ang tubig o baha, para kaming mga daga na nag-aalisan sa lungga. Kaya kapag tag-ulan, alerto na kami. Eveready na kami, he-he!”

Napangiti si Sam. Nagsasabi ng totoo si Viring dahil ang alam niya taga-iskuwater ito dati. Nakatira sa ilalim ng tulay sa Congressional Ave­nue. Pero nang mamasukan siya sa bahay ni Sir Manuel ay napabuti ang buhay. Binigyan daw sila ni Sir Manuel ng isang lote sa Camarin na may sukat na 100 square meters at pinatayuan ng bahay. Naging maayos ang kanilang buhay. Kaya nga hindi na raw siya aalis sa paninilbihan kay Sir Manuel. Napakabait daw nito --- ang buong pamilya nito.

“Ako man ay nababaitan kay Sir Manuel. Kaya nga nang pakiusapan niya ako para gawin ang kakaibang paghihiganti kay Levi, hindi ako nakatanggi.’’

“Bihira pong makatagpo ng boss na katulad ni Sir Manuel ano?’’

“Oo.’’

Nang biglang bumuhos ang ulan.

“Sige Viring, i-tsek mo na ang pinto, bintana at gate. Matutulog na ako. Kapag nasiguro mong nakasarado na lahat, matulog ka na rin.”

“Opo!”

Lumipas ang magdamag. Mahimbing ang naging tulog nina Sampaguita at Viring. Magdamag din kasi ang pag-ulan kaya masarap ang tulog.

Kinabukasan, mga 9:00 ng umaga, may kumatok sa gate nila. Nang buksan ni Viring, si Levi ang nakita niya. Ma­raming dalang prutas. Sari-sari. Ang ilan ay nasa bilao pa --- may mangosteen, lansones, saging, papaya at marami pang iba.

“Magandang umaga, Viring­,” bati nito. “Nandiyan ba si Sam?’’

“Opo.’’

“Ibibigay ko lang ang mga ito, puwede?’’

“A, e teka po at sasabihin ko. Sandali lang po.’’

Nagtungo si Viring sa likod bahay --- sa may swimming pool. Naroon si Sam para maligo. Naka-two piece bikini na ang dalaga. Sinabi ni Viring na nasa gate si Levi at maraming dalang prutas.

“Papapasukin ko po ba?”

“Sige, papasukin mo.”

Nagbalik sa gate si Viring.­

“Pasok ka po, Sir Levi.”

“Salamat.’’

Pumasok si Levi na bitbit ang mga prutas.

“Dito po sa may swimming pool, Sir.”

Nagtungo roon si Levi.

“Hi Sam. Pasensiya kung nagambala kita. May dala akong prutas. Mga bagong pitas. Para sa’yo.’’

“Salamat Levi. Maupo ka.’’

“Salamat.”

Napansin ni Levi na wala si Ram.

“Wala yata ang driver mo, Sam?”

“A oo, nag-emergency leave. Umuwi sa kanila.”

Napatango na lamang si Levi.

(Itutuloy)

Show comments