BUKAS ay may bago na namang kaltas sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene. Ikawalong kaltas na ito mula pa noong nakaraang buwan. Walong sunud-sunod na linggo na ang pagbabawas ng presyo at ang sabi ng mga kompanya ng langis, magpapatuloy pa ang pagbaba ngayong Agosto. Ang gasolina sa kasalukuyan ay P40.00 ang bawat litro, P37.00 sa diesel at P36.00 sa kerosene. Bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at sabi ng mga analyst, aabot pa ito sa mababang $60 per barrel o mas mababa pa sa pagtatapos ng 2015. Sobra-sobra umano ang produksiyon ng langis kaya bumaba ang presyo.
Noong nakaraang taon (Disyembre 2014) ay umabot sa $50 per barrel ang langis sa world market kaya nagkasunud-sunod din ang roll back na halos umabot sa mahigit P30.00 per liter. At ngayon ay nauulit na naman ang senaryo. Malaking kaluwagan sa mga motorista ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Subalit ang nakapagtataka, sa kabila na sunud-sunod ang pagkaltas sa presyo ng petroleum products, wala namang nakikitang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin --- bigas, isda, karne, asukal, sardinas, gatas, noodles, mantika at iba pa. Wala ring paggalaw sa pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Noong nakaraang taon, wala ring nakitang pagbawas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan kahit pa bumaba nang husto ang gasolina at diesel. Dedma lang ang Department of Trade and Industry. Kaya hindi rin naramdaman ng karaniwang mamamayan ang rollback ng petroleum products.
Sa kabuuan, wala ring silbi ang rollback sa mga mahihirap sapagkat mahal pa rin ang bilihin. Ang nakikinabang lamang ay ang mga kompanya ng bus at taxi sapagkat mura nilang nabibili ang fuel. Sana naman, kumilos ang DTI ukol dito. Kung may pagbaba ng petroleum products, magkaroon din ng pagbaba sa mga pangunahing pangangailangan. Maawa naman sa mga kakarampot ang kinikita.