Lalaki sa Canada, arestado matapos lumipad sakay ng upuang pinalulutang ng mga balloon
ISANG lalaki sa Calgary, Canada ang inaresto ng mga pulis doon matapos siyang lumipad at nagpalutang-lutang sa himpapawid habang sakay ng isang upuan na pinalulutang ng higit sa 100 balloon puno ng helium.
Ang 26-anyos na lalaki, na kinilalang si Daniel Boria, ay nagpalutang-lutang sa himpapawid ng Calgary sa loob ng 20 hanggang 30 minuto bago siya tumalon mula rito at nag-parachute dahil masyado nang mataas ang nililipad ng kanyang upuan.
Gumamit si Boria nang malalaking balloon na nasa anim na talampakan ang lapad samantalang gumastos naman siya ng $12,000 (katumbas ng P550,000) para sa helium na kanyang ipinambomba sa 100 balloon na kanyang ginamit.
Sinasabing ginawa ni Boria ang paglipad upang i-promote ang kanyang negosyo na isang cleaning company. Una niyang plano ang pag-sky dive mula sa isang eroplano habang suot-suot ang isang parachute na may logo ng kanyang kompanya ngunit walang piloto sa kanilang lugar ang gustong maglipad sa kanya.
Naging matagumpay naman ang ginawang stunt ni Boria dahil naging malakas ang kanyang negosyo matapos mapabalita ang kanyang ginawang paglipad na ginastusan niya ng $30,000 (P1.4 milyon).
Kaya naman hindi siya nagsisisi kahit pa ikinulong siya ng mga pulis ng isang gabi at pinag-iisipan pa siyang kasuhan ng mga ito dahil sa gulo na kanyang idinulot.
- Latest