PINAY nurse siyang nasuwertehang makapagtrabaho sa isang ospital sa New York. Madalas siyang mag-almusal sa fast-food hamburger restaurant na iyon bago pumasok sa opisina. Wala na siyang oras para magluto. Winter noon. At talagang nanunuot ang lamig hanggang buto. Isang umaga habang siya’y nakapila ay tila nagtakipan ng ilong ang mga taong kasama niyang nakapila. Nang luminga siya ay may dalawang lalaki na kapapasok pa lang sa restaurant at sa hula niya ay doon nanggagaling ang mabahong amoy. Madaling mahulaan dahil sa nanlilimahid na suot nilang jacket. Sa kanilang hitsura, masasabing sila ay mga taong sa kalye lang naninirahan.
Napansin ng restaurant crew ang dalawang lalaki at tinanong kung ano ang bibilhin. Hindi na hinayaang pumila ang dalawang lalaki. Tila nahihiyang inilabas ng mga lalaki ang barya nilang hawak. Tig-isang kape lang ang inorder. Halatang pinilit nilang bumili ng kape para libre silang makapagpainit sa loob ng restaurant. Bawal pumasok sa restaurant nang walang oorderin. Sa sobrang lamig sa kalye, isang malaking kaginhawahan sa mga homeless ang makapagpainit sa loob ng restaurant kahit sandali lamang.
Para sa tatlong tao ang inorder na hamburger ng Pinay. Pagkakuha ng order ay dumiretso siya sa kinauupuan ng dalawang homeless. Nakangiti nitong ibinigay ang hamburger sabay sabing mas masarap magkape kung may hamburger na kasama. Nagpasalamat ang dalawang lalaki. Ang Pinay naman ay naupo sa ibang mesa. Saka lang niya napansin na lahat ng tao sa reataurant ay sa kanya pala nakatingin.
Nang palabas na ang Pinay sa restaurant ay hinabol siya ng isang matandang Amerkana. Nakita pala nito ang ginawa ng Pinay. Itinanong kung anong nationality niya. “I’m a Filipino”, buong pagmamalaki nitong sagot.
Kung isasalin sa Tagalog, ganito ang nasambit ng matandang Amerikana sa kausap na Pinay: “ Hindi ko akalain na mababait pala ang mga Filipino!”