EDITORYAL – Kalbaryo ng Yolanda victims

MAGDADALAWANG taon na sa Nobyembre 8, 2015 ang pananalasa ng Supertyphoon Yolanda sa Kabisayaan at iba pang rehiyon sa bansa. May lakas na 270 kph, binayo ni Yolanda ang Samar, Leyte, Cebu at Iloilo. Mahigit 6,000 ang namatay. Tinata-yang P89.6 billion ang halaga ng napinsala. Ang mga nawalan ng tahanan ay umaabot sa 890,895 pamilya.

Maraming bansa ang nagpadala ng tulong sa Pilipinas makaraang tumama ang bagyo. Umano’y umaabot sa P73.31 billion ang naipadalang tulong nang maraming bansa. Hanggang ngayon, may mga foreign organization ang nakatutok sa mga biktima ng Yolanda.

Pero ang nakapagtataka, sa kabila na maraming tulong na dumating, mabagal ang pag-usad o reco-very ng mga biktima ng Yolanda. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nakatira sa bunkhouses at tent. Marami ang nawawalan na ng pag-asa na makakabalik sila sa normal na pamumuhay.

Ang ganitong kalagayan ang nakita mismo ni Chaloka Beyani, ang UN special rapporteur on human rights of internally displaced person na bumisita sa mga biktima ng Yolanda. Nagtagal si Beyani sa bansa sa loob ng 10 araw. Nasaksihan niya ang kawawang kalagayan ng mga biktima na halos ay hindi pa naka-kabangon sa kabila na maraming tulong na natanggap mula sa ibang bansa. Ayon pa kay Beyani, bagama’t may mga bahay o tirahang ginawa, hindi pa sapat at karamihan ay walang sapat na tubig, kuryente at iba pang pangangailangan.

Sinisi naman ni dating senador at rehabilitation czar Panfilo Lacson ang Department of Budget and Ma-nagement (DBM) dahil sa hindi pag-released ng P167.8 billion na inaprubahan ni President Aquino para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyo. Ayon kay Lacson, P84 billion lamang ang ni-released ng DBM.

Makaraang mabatikos ang pamahalaan, sinabi ng Malacañang na magsasagawa ng mga karagdagang tirahan para sa mga biktima.

Nagpapakita lamang ito na malaki ang pagkukulang ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga biktima sa kabila na maraming natanggap na tulong. Bakit kailangang tumagal ang paghihirap ng mga biktima ng Yolanda?

Show comments