HINDI malilimutan ang naging talumpati ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez noong Hulyo 16 na itinalaga siya sa puwesto. Aniya, ang pagpapatrulya ng mga pulis sa komunidad ay mahalaga at malaking tulong sa pagbaba ng krimen. Magdadalawang-isip aniya ang sinuman na gumawa ng krimen kapag may nakikitang mga pulis. Mariing sinabi ni Marquez na gusto niyang masiguro ang kaligtasan ng anak, kapatid, o kasambahay sa paglabas ng bahay at makakabalik nang ligtas.
“Naroroon pa rin ang takot at agam-agam ng mga magulang tuwing umaalis ng bahay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang nais nating baguhin,” sabi ni Marquez.
Marami ang nagpalakpakan sa sinabi ni Marquez. Sa dami na ng naging hepe ng PNP, siya lamang ang nagsabi na ang presensiya ng pulis sa kalsada ang kailangan para mawala ang krimen. Matagal nang pinapangarap ng mamamayan na makakita sila ng pulis sa kalye at naglilingkod. Sa kasalukuyan, ang mga pulis na makikita sa kalye ay hindi ang pagprotekta at pagtulong sa mamamayan ang ginagawa kundi “pangongotong at panghuhulidap”.
Mahigit dalawang linggo na mula nang ipangako ni Marquez na ilalabas ang mga pulis sa presinto at magpapatrulya sa kalsada, pero hanggang ngayon, wala pa ring makitang mga pulis sa mga lugar na laganap ang krimen. Wala pa ring unipormado na nagbabantay at nagmamanman.
Sa Quiapo at Quezon Blvd., lantaran ang pang-agaw ng cell phone at “pamimitas” ng hikaw sa mga babaing naglalakad. Sa Recto Avenue at Binondo, karaniwan na lamang ang pandurukot sa mga naglalakad. Walang pulis na makita sa mga lugar na nabanggit.
Patuloy din ang mga nangyayaring holdapan sa dyipni at taxi kung madaling araw at walang makitang pulis na nagroronda sa kalsada. May mga empleadong hinoholdap pagbaba nila ng footbridge subalit walang makasaklolo sa kanila. Walang makaresponde.
Nasaan ang katotohanan ng kanilang motto: To Serve and To Protect.