PINAKAMALAKAS ang palakpakan nang sabihin ni President Noynoy Aquino na panahon na para ipasa ang Anti-Dynasty Bill. Ibig sabihin nang malakas na palakpak, gusto na rin nilang mabuwag ang masamang praktis ng mga pulitiko na pagsasalin-salin ng kapangyarihan sa kanilang asawa, anak, apo, pinsan at iba pang miyembro ng pamilya. Sobra na ang nangyayari ngayong pagkadupang sa kapangyarihan na ayaw nang bitawan ang puwesto.
Kapag naipasa ang Anti-Dynasty Bill, mapuputol na ang paghahari-harian ng angkan sa isang lugar. Mawawala na ang estilong pagpapalit-palit ng puwesto. Magpapahinga sa pagiging mayor ang ama at ang asawa naman ang ipapalit. Kapag natapos ang termino ng ina, ang anak naman ang uupo. Ginagawa nang laruan ang paglilipat-lipat at pagpapalit-palit sa puwesto. Masyado nang naging gahaman.
Maganda ang sinabi ni P-Noy tungkol sa Anti-Dynasty Bill. Sabi niya: “May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibidwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensyon sa mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law.”
Aabangan ng taumbayan ang katuparan ng mga sinabi ni P-Noy ukol sa Anti-Dynasty Bill. Hindi niya dapat biguin ang kanyang mga “boss” sa pagkakataong ito. Kung sa ibang ipinangako niya ay maraming pumalpak, huwag sanang maulit sa Anti-Dynasty Bill. Bago siya bumaba sa puwesto, siguruhin niyang nakakagat na ang ngipin ng batas sa mga nagpapakasasa sa kapangyarihan. Buwagin ang pamamayani ng iisang pamilya sa bawat siyudad o bayan. Lagutin na ang kadenang nakatali sa upuan ng gahamang pinuno.