Beer na gawa sa sugpo, mabibili sa amerika
MAGANDANG balita para sa mga mahihilig sa seafood at sa pag-inom ng beer: isang brewery sa Maine, USA ang nakagawa ng beer mula sa sugpo.
Ang beer, na pinangalanang Saison dell’Aragosta na hango mula sa salitang Italyano para sa sugpo, ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapakulo ng mga sugpo sa beer.
Ang may-ari ng Oxbow Brewery na si Tim Adams kasama ang Italyanong brewmaster na si Giovanni Campari ang nakaisip na gumamit ng sugpo sa paggawa nila ng beer. Layunin kasi nila noong una na makagawa ng beer na may acidic at maalat-alat na lasa. Naisip nilang idagdag ang sugpo bilang isa sa mga sangkap sa gagawin nilang beer nang minsang kumain sila ng sugpo para sa kanilang hapunan.
Ginawa nila ang unang batch ng kanilang kakaibang beer sa pamamagitan ng pagpapakulo ng 12 sugpo sa isang kawa ng hindi pa nabuburong serbesa. Para sa pangalawang batch, pawang mga balat na lang ng sugpo ang kanilang pinakuluan sa beer.
Kuntento naman sina Tim at Giovanni sa kanilang nagawang produkto. Para sa kanila, tamang-tama ang paghahalo ng tamis at alat mula sa sugpo at ang acidity mula sa beer.
Nasa 3,000 bote pa lamang ang kanilang nagagawang beer mula sa mga sugpo at sa kasalukuyan, sa Maine pa lang nila naipagbebenta ang mga ito.
- Latest