… kasama si Mickey Mouse, et al. tungo sa tagumpay
MAGDUDULOT ng inspirasyon ang kuwento ng buhay ni Walt Disney. Hindi birong hirap ang kanyang naranasan bago nakamit ang kanyang pangarap.
Noong 1921 ay nagtayo siya ng animation company. Nakipag-deal siya sa isang kompanya sa New York. Ang kompanyang ito ang magbebenta ng cartoons na kanilang ipino-produce sa mga film company Pagkaraang maibenta, anim na buwan pa ang hihintayin niya bago sila mabayaran. Nakaranas siyang kumain ng dog food dahil ang budget niya sa pagkain ay napapunta sa pambayad ng renta ng opisinang ginagamit nila. Sa bandang huli ay isinara niya ang kompanya dahil nalugi.
Nilikha ng kanyang kompanya si Oswald the Rabbit noong 1926. Ngunit dinaya siya ng kanyang distributor. Wala siyang kaalam-alam na naibenta nito si Oswald the Rabbit sa Universal Studios. Ang nakakainsulto pa dito, sinulot ng Universal Studios ang lahat ng Disney artists.
Ang maganda kay Walt Disney, hindi siya sumusuko. Gawa pa rin siya nang gawa ng iba’t ibang cartoon characters sa pag-asang may isang film company na bibili dito. Nilikha niya si Mickey Mouse noong 1927 at inialok niya sa MGM studios. Hindi niya inaasahan ang isinagot sa kanya ng MGM matapos rebyuhin sa theatre screen si Mickey Mouse: Imposibleng pumatok sa manonood si Mickey Mouse. Ang higanteng daga sa malaking screen ay katatakutan ng mga bata at kababaihan.
Ang The Three Little Pigs ay tinanggihan ng distributors noong 1933 dahil apat lang ang major characters. Nang panahong iyon, mas patok sa manonood kung ang bidang cartoon character ay maraming kasamang characters.
Milyon ang nalugi sa Pinocchio noong 1940 dahil sa malaking gastos sa special effects.
Marami pa siyang nai-produce na animation movies at pagkatapos ay hindi pumatok sa manonood. Tao lamang si Walt Disney para hindi manghina sa mga kabiguang naranasan. Ang pagkakaiba lang niya, habang nasasaktan siya, lalo siyang tumatapang na sumugal pa sa kanyang negosyo. At ito ang nagdala sa kanya tungo sa pagyaman.