EDITORYAL - DENR, walang masabi sa basura ng Canada
HANGGANG ngayon, tikom ang bibig ng namumuno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isyu ng basura na inangkat sa Canada. Sabagay, naitapon na ang mahigit 20 containers ng basura sa Capas,Tarlac kaya ano pa ba ang sasabihin ng DENR secretary ukol dito. Dedma na lang. Maaaring iniisip niya, lilipas din ang isyu sa basura. Kusang mamamatay ang isyu hanggang sa tuluyan nang mawala. Pero ganunman ang mangyari, hindi malilimutan ng mamamayan na naging inutil ang DENR sa isyu ng basura. Walang ginawang aksiyon ang DENR secretary para magreklamo sa mga nakatataas kaugnay sa inangkat na basura ng Live Green Enteprises noong 2013. Ang mga basura na nasa 55 containers vans ay kinabibilangan ng hospital wastes. Nang buksan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga container, natambad ang mga diapers, heringgilya, bandage, gasa at marami pang iba. Sabi ng Customs, dineklara ng importer (noon ay kinilalang Chronic Plastics) na “scrap plastic materials for recycling” ang shipment. Dahil dito lumabag ang kompanya sa Republic Act No. 6969 o ang “Toxic Substances and Hazardous Wastes Control Act of 1990.” Ayon pa sa Customs, lumabag din ito sa Tariff and Customs Code ang nasabing importer.
Ang nakapagtataka pa sa ginawa ng DENR, dineklara nila na toxic at hazardous ang basura pero biglang binawi at sinabing non-toxic ang shipment. Biglang nabahag ang buntot ng DENR sapagkat maaari raw masira ang relasyon ng Pilipinas at Canada kapag naghain ng protesta. Kaya ang pinaka-remedyong naisip ng DENR ay itambak sa Capas ang mga basura. Palihim na dinala ang mga container ng basura at itinapon sa landfill. Nag-rally ang mga tao nang malaman ang nangyari. Wala namang masabi si President Aquino kahit sa mismong probinsiya niya tinapon ang toxic wastes.
Ayon sa Basel Convention, ang anumang hazar-dous wastes na dumating sa bansa ay dapat ibalik sa pinanggalingang bansa. May karapatang tanggihan ng Pilipinas ang basura na galing Canada. At alam ito ng Canada dahil isa sila sa mga pumirma sa international treaty noong 1992.
Pero kailangang maghain muna ng protesta at reklamo ang Pilipinas bago dinggin ang kaso. At dito naging inutil ang DENR. Hinayaang mabulok sa bansa ang nakaririmarim na basura.
- Latest