Lamparang umiilaw sa pamamagitan ng tubig at asin, naimbento ng Pinoy

AYON sa isang pag-aaral, aabot sa 16 milyong Pilipino ang walang kuryente sa kanilang mga tahanan. Ang nakakapanlumong kalagayan na ito ang nagtulak sa engineer at social worker na si Aisa Mijeno na mag-imbento ng isang klase ng lampara na hindi gumagamit ng kuryente, ng pangkaraniwang baterya, o kahit ng kerosene. Sa halip, umiilaw ang lamparang kanyang naimbento sa pamamagitan ng dalawang bagay na mayroon kahit ang mga pinakamahirap na pamilya: tubig at asin.

Gumagana ang lampara sa pamamagitan ng dalawang metal na nagre-react at nagka-conduct ng kuryente kapag sila ay nalubog sa tubig na may asin.

Maliwanag ang ilaw na nanggagaling sa lamparang naimbento ni Mijeno dahil katumbas nito ang ilaw mula sa pitong kandilang sabay-sabay na nakasindi o ang ilaw mula sa isang LED na bombilya. Tatagal ng walong oras ang ilaw na ibinibigay ng lampara mula sa bawat baso ng tubig na may asin.

Bukod sa pagbibigay  ng ilaw, puwede rin na gamiting pang-charge ng cell phone ang lampara dahil sa kuryenteng nanggagaling mula rito.

Sa ngayon, nakikipag-usap na si Mijeno sa mga lokal na pamahalaan ukol sa mga paraan kung paano maipapamahagi ang teknolohiyang kanyang naimbento sa mga pinakamahihirap na mga pamilyang walang kuryente at nangangaila-ngan ng ilaw tuwing sasapit ang gabi.

Show comments