Police visibility palawakin pa

Una sa lahat ay nais ko munang batiin at  ng aking pamilya ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo (INC) sa pangu-nguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan na si Kapatid  na Eduardo Manalo sa pagsapit ng Iglesia  sa ika -101 anibersaryo sa araw na ito Hulyo 27,  na ito ay sa awa at tulong ng ating Panginoong Diyos. Maligayang anibersaryo sa ating lahat!

* * *

Nais ng bagong upong PNP chief Director General Ricardo Marquez na dagdagan ang police visibility partikular sa matataong lugar katulad ng MRT at iba pang transport station sa buong Metro Manila.

Marahil kasama na rin dito ang mga paligid ng mga paaralan at ilan pang pangunahing lansangan.

Ito, ayon sa PNP chief ay para maramdaman ng publiko na nandyan ang mga pulis para mabigyan sila ng proteksyon laban sa mga kawatan at kumakalat na mga kriminal.

Marami na rin akong natanggap na sumbong na nais nating ipabatid muli sa PNP lalu na sa Maynila.

Ito ay tungkol sa mga harapan na ngayong pagsalakay ng mga ‘batang hamog’ at mga kawatan sa ilang lugar sa Maynila.

Partikular na itinuro kung saan umano harapan ang ‘pagtira’ ng mga kawatan sa mga pasahero ng jeep ay dyan sa may Quiapo, sa may Morayta kung saan naman kadalasan eh mga estudyante ang kanilang target.

Sa Quezon bridge sa may Quiapo,  kahit umano katanghaliang tapat  o kaya ay sa gabi  nandyan ang mga kawatan.

Sa Morayta at sa ilang ma-trapik na lugar pa sa Espana.

Sa ilalim din ng tulay bago mag-Quiapo, may grupo ding tumitira dyan na dapat mabantayan. Umiikot ang mga ito sa mga nata-trapik na mga pampasaherong jeep at doon kumukuha ng kanilang mga target, hindi lang isa basta’t may pagkakataon tinitira.

Nakakaalarma  dahil sa harapan at walang takot ang mga kawatan na ito na kung lumakad eh grupo-grupo, kadalasan pa nga eh mga kabataan .

Eto  pa ha, baka dapat din daw magdadagdag ng  pulis na magbabantay o di kaya ay magroronda sa paligid naman daw ng  Luneta dahil na rin sa paglalagay dito ng libreng wifi.

Naku po, baka pupugin at tambayan nga ito ng mga kawatan kaya nga kung ganito rin lang dapat na may nakatutok o bantay ditong mga pulis.

Hindi lang naman sa Maynila nangyayari ito, marami ng lugar sa Metro Manila na garapalan at harapan na ang pagsalakay ng mga kawatan, baka nga kasi kulang sa police visibility.

Show comments