‘Drilon country?’
PATI pala mga lalawigan ngayon, ‘di na pwedeng basta-basta pasukin ng mga pulitiko at may mga ambisyon sa susunod na eleksyon?
Kesehodang inimbitahan man siya o sila ng mga departamento at ahensya ng gobyerno na walang kaugnayan sa pulitika, basta hindi kakulay, kuwidaw na!
Wala akong pinapaboran o kinakampihan sa usaping ito. Tulad ng nangyari kay Vice President Jejomar Binay, inimbitahan sa isang okasyon pero hindi naman pala welcome sa pinagganapang probinsya.
Ang mismong nag-imbita na presidente ng Public Health Association (PPHA) na si Maria Luisa Orezca, kinagalitan at hinambalos ni Health Secretary Janet Garin.
Nabwisit at nainis sa ginawang pag-iimbita ni Orezca kay Binay na dumalo at magsalita sa 83rd Annual National Convention ng PPHA sa IloIlo na dinaluhan ng mga nars at doktor mula sa iba’t ibang probinsya.
Ayon kay Garin, bakit daw sa dinami-dami ng mga probinsya, sa Iloilo pa kung saan kilalang balwarte ni Senate Franklin Drilon at Interior Sec. Mar Roxas na mga kapartido ni Pangulong Noy Aquino pa pinapunta si Binay.
Nakulayan daw tuloy ang pagpunta ng bise-presidente sa ‘Drilon Country’ na alam naman daw na katunggali ng kanilang partido. Kaya si Garin, no show na rin tuloy sa okasyon.
Pinalagan ito ni Orezca. Depensa niya, walang masama sa kanilang pag-iimbita dahil walang anumang bias at apolitical o hindi naman namumulitika ang PPHA. Hindi rin naman daw DOH lang ang nagbuhos ng pondo sa nasabing convention.
Maliban kay Binay, inanyayahan rin naman daw ng PPHA sina Mar Roxas, dating Senator Panfilo Lacson, Senator Alan Peter Cayetano, Cong. Sherwin Gatchalian ng Valenzuela at Davao City Mayor Rodrigo Duterte. ‘Yun nga lang, di na talaga inimbitahan si PNoy dahil sobrang busy daw ng kaniyang schedule.
Umpisa na talaga ang political season. Kayo na ang bahalang bumalanse.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest