BIGO si President Noynoy Aquino na mapaunlad ang agrikultura ng bansa. Sa huling taon ng kanyang termino ay patuloy na umaangkat ng bigas ang bansa at maaaring magpatuloy pa kung hindi ito pagtutuunan ng pansin ng susunod na Presidente sa 2016. Kahit na agrikultural na bansa, patuloy ang pag-angkat natin ng bigas na nakababa ng pagkatao sapagkat mayaman tayo sa lupain na kahit anong variety ng palay ay maaaring itanim. Pero dahil hindi napagtuunan ng pansin, maraming nakatiwangwang na bukirin dahil walang irrigation system at umaasa sa ulan. Wala ring suporta sa mga magsasaka at hindi mapagkalooban ng mga binhi ng palay na madaling mamunga at matibay sa anumang peste.
Sa Lunes (Hulyo 27) ay huling SONA ni P-Noy at walang nakaaalam kung ano ang irereport niya ukol sa agrikultura. Kapag sinabi niyang nagtagumpay ang kanyang gobyerno sa pagpapaunlad ng sakahan sa bansa, sasabog ang mga katanungang bakit umangkat muli ng bigas sa Vietnam ng 100,000 metriko tonelada na nagkakahalaga ng $1-milyon. Bakit ganito karami gayung laging sinasabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na hindi na tayo aangkat pa at mag-eeksport pa nga. Ganito rin ang sinasabi ni P-Noy sa kanyang mga SONA – hindi na raw aangkat sapagkat sobra-sobra sa pangangailangan at mag-eexport pa nga raw.
Gaya nang sinabi niya noong 2013 SONA: “Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.”
Bawat sabihin ni P-Noy ukol sa bigas ay siyempreng nanggaling kay Alcala. Si Alcala ang nakaaalam nito dahil siya ang Agriculture secretary. Si Alcala ang nakapagsasabi kung maraming bigas sa bansa. Kung maraming bigas, bakit aangkat. Binibigyan ba ng maling impormasyon ni Alcala ang Presidente? Lagi na lang sinasabi na wala nang kakulangan sa bigas pero patuloy ang pag-angkat.
Hindi napaunlad ang agrikultura ng bansa. Sa kabila na mayaman sa lupain, nakadepende pa rin tayo sa bigas ng ibang bansa.