WALANG karapatan ang Department of Foreign Affairs ( DFA) na magpasya ng sarili upang ipamigay na lang sa Malaysia ang Sabah kapalit ng suporta sa kaso laban sa China.
Dapat kasuhan si DFA secretary Albert del Rosario nang pagtataksil sa bayan dahil sa alok na pagbibigay ng Sabah sa Malaysia.
Nais daw kasi ng DFA na makuha ang suporta ng Malaysia sa kasong isinampa ng Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal laban sa China.
Ang alok ng DFA sa Malaysia na ibigay ang Sabah ay ipinarating sa pamamagitan ng Malaysian Embassy sa Manila.
Malamang na may basbas ito ng Malacañang at marapat naman na busisiin ng Senado o Kamara ang alok ng DFA.
Kailangang repasuhin muna ng mga mambabatas kung mas makakabuti ba sa interes ng bansa ang pamimigay ng Sabah sa Malaysia.
Ang Sabah Malaysia ay pag-aari ng sultan ng Sulu pero ibinigay ito sa gobyernong Pilipinas at napabayaan. Hanggang nakuha ng Malaysia ang kontrol dito.
Napakaraming likas na yaman ang Sabah. Sa halip na Pilipinas, Malaysia ang nakikinabang dito at ngayon ay plano pang ipamigay na lamang.
Bago ialok ang Sabah sa Malaysia ay dapat na paaprubahan muna sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Hindi dapat ipamigay ang Sabah sa Malaysia at ipaglaban natin ito dahil sa ating pag-aari ito.
Malakas din naman ang ating kaso laban sa China tungkol sa pinag-aagawang Spratly Islands at inaasahang tatayo ang kasong ito kahit wala ang suporta ng Malaysia kung kaya hindi na kailangang ipansuhol ang Sabah.