IPINAKILALA ni Jo si Mam Diana at Precious kay Tatang Nado. Iyon ang unang pagkakataon na nakita ni Tatang Nado ang dalawa. Nang dumalaw ang mga ito ay wala pang malay si Tatang Nado dahil sa epekto ng mga gamot at anaesthesia.
Nagpaalam muna sina Princess para magtungo sa canteen ng ospital. Hina-yaan nilang magkuwentuhan sina Jo at Tatang Nado.
Ikinuwento ni Jo kay Tatang Nado ang nangyari sa mag-iinang Mam Diana, Princess at Precious. Nagkahiwalay si Mam Diana at asawang si Manong Wen. Naiwan kay Manong Wen sina Princess at Precious. Nagkita ang mag-iina nang kidnapin sina Princess at Precious. Itinaya ni Mam Diana ang buhay para sa dalawang anak.
“Nagkakapareho po ang buhay mo at buhay ni Mam Diana. Parehong naligaw pero nagbalik-loob at inia-lay ang sarili. Ang pag-aalay ng sarili ang pinakamabisang paraan para makita ang wagas na pagmamahal.’’
“Tama ka Jo. Masarap palang ialay ang sarili sa mga minamahal. Alam mo, nang harapin ko ang lala-king gustong magsamantala kay Violy, hindi ko naisip ang sarili ko. Ang nasa isip ko, mailigtas si Violy sa hayup na lalaki. At alam mo kung ano ang ginamit ko sa lalaki?’’
“Ano po?’’
“Ang Kamagong na arnis. Yung arnis na kinuwento ko sa’yo na ginamit pa yata ng lolo ko. Nang mahawakan ko ang inihagis na Kamagong, para bang may nanulay na kuryente sa katawan ko at nagkaroon ng di-pangkaraniwang lakas. Sunud-sunod ang hataw ko sa lalaki. Hindi ko naisip na may baril siya. Basta ang nasa isip ko, mailigtas si Violy. Nalansi ako ng lalaki. May nakatago palang baril ang hayup. Binaril ako. Pero nang dumating ang anak kong si Noime at siya naman ang hinarap ng hayup, nagkaroon na naman ako ng hindi maipaliwanag na lakas. Nang babarilin na ng hayup si Noime, ubos-lakas kong inihagis ang Kamagong. Sapol sa leeg ang hayup! Natapos ang kawalanghiyaan niya.’’
“Napakarami po palang nagawa mo para mailigtas ang mag-ina.’’
“Ginawa ko na ang lahat nang aking makakaya, Jo. Sabi ko, kahit mamatay ako, okey lang. Tama ka, masarap ialay ang sarili para sa mga minamahal.’’
“Nasisiyahan po ako sa mga nangyari sa buhay ninyo, Tatang Nado. Masayang-masaya po ako.’’
‘‘Malaki ang utang na loob ko sa’yo Jo. Kung hindi ninyo ako kinumbinsi ni Princess, baka nasa bundok pa ako hanggang ngayon at doon na hihintayin ang katapusan ko.’’
“Ginawa lamang po namin ni Princess ang nararapat. Kasi po, sobra-sobra na rin ang pagsisisi mo. Sapat na ang pagtira mo sa bundok nang mahigit 20 taon. Isa pa po, malaki ang paniwala namin ni Princess na mapapatawad ka ni Mam Violy gaya rin nang pagpapatawad na ginawa nina Princess at Precious sa kanilang ina na si Diana.’’
Napangiti si Tatang Nado.
Maya-maya ay masayang nagsalita.
‘‘Gusto ko nang lumabas dito sa ospital, Jo. Naiinip na ako rito.’’
‘‘Atat ka na talaga Tatang?’’
‘‘Gusto ko, magkasarilinan na kami ni Violy, he-he-he !’’ (Itutuloy)