NITONG nagdaang gabi ng Biyernes, isang babae na lulan ng isang pampasaherong jeepney ang nanakawan ng smartphone sa Espana, Manila sa may tapat ng University of Santo Tomas. Habang nakahinto ang jeepney dahil nakapula ang isang traffic light, isang matandang lalaki ang biglang sumampa sa sasakyan at sinunggaban ang cell phone na hawak ng babae. Walang nagawa ang ibang mga nagulat na pasahero habang nag-aagawan ang snatcher at ang biktima sa cell phone hanggang sa manaig ang lakas ng suspek at mabilis na bumaba at tumakas tangay ang naturang handset. Tinangka ng babae na humabol pero biglang nawala ang snatcher sa kadiliman ng paligid. Wala ring pulis na maaaring hingan ng tulong. Walang nagawa ang babae.
Isa lang iyon sa napakarami at hindi matapos-tapos na mga insidente ng nakawan ng cell phone. Mga insidente na kung minsan ay merong nagbubuwis ng buhay kapag nanlaban ang biktima at napatay siya ng snatcher o holdaper. Paano nga ba masasawata ang nakawan ng cell phone bukod sa sinasabing laging pag-iingat ng mga gumagamit ng ganitong gadget?
Noong nakaraang buwan, nanawagan na ang Department of Justice sa lahat ng mga kumpanya ng mobile phone na magkabit sa kanilang mga produkto ng software na Kill Switch na awtomatikong papatay sa cell phone na nawala o ninakaw para hindi na ito mapakinabangan. Hindi na rin maaaring i-re-program ang nanakaw na cell phone kapag pinatay ito ng Kill Switch kaya hindi na magagamit at hindi na maaaring ibenta. May isa ngang nakasalang na panukalang-batas sa Kongreso na nagtatadhana sa pagkakabit ng Kill Switch sa mga mobile phone pero, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, hindi na kailangang gumawa ng batas ang gobyerno para rito. Obligasyon anya ng mga telephone companies bilang public utilities na iwasan ang krimen at gamitin ang teknolohiya para matugunan ang mga problema sa kapayapaan at kaayusan.
Batay sa mga ulat, mukhang epektibo ang Kill Switch program na ito sa ibang mga bansa tulad sa Amerika. Sa huling estadistika, mula noong 2013 hanggang 2014, bumaba nang 40 porsiyento ang bilang ng mga kaso ng mga ninakaw na iPhone sa San Francisco. Sa pangkalahatan, bumaba nang 27 porsiyento ang mga insidente ng mga ninakaw na mga mobile phone. Sa New York, bumaba nang 25 porsiyento ang mga kaso ng mga nakaw na iPhone habang 16 na porsiyento ang ibinaba sa iba o lahat ng klase ng mga mobile phone na ninakaw. Bahagya ring bumaba ang bilang ng mga kaso ng nakaw na cell phone sa London. Bumaba umano ng 20,000 kada taon ang bilang ng mga biktima ng mga magnanakaw ng cell phone sa England mula nang magkabit ng Kill Switch ang Apple sa kanilang mga handset.