Manong Wen s (246)
NANG maramdaman ni Mam Violy ang pagpisil ni Tatang Nado sa kanyang palad, natuwa siya. Ibig sabihin, mayroon nang lakas ang asawa. Napisil nang mahigpit ang kanyang palad.
“Nado! Malakas ka na?’’
Tumango si Tatang Nado.
“Kumusta ang pakiramdam mo?’’
“O-okey n-na ako, Violy.’’
“Salamat sa Diyos at nakaligtas ka. Wala akong tigil sa pag-iyak.’’
“Violy!’’
“Ano ’yun, Nado?’’
“P-patawarin m-mo ako sa l-lahat nang mga nagawa ko sa’yo.’’
“Noon pa ay pinatawad na kita Nado.’’
Nakatingin si Tatang Nado sa asawa. At pagkaraan ay muling pinisil ang palad ng asawa.
“Pagmagaling ka na magbakasyon tayo sa Boracay at Baguio. Gusto ko magkasama tayo. Ayoko nang magkalayo tayo.’’
“Violy!”
“Ano yun?’’
“Sa palagay mo, magka-baby pa tayo?’’
“Sira. Ang tanda na natin.’’
“D-dyok lang, Violy.’’
Hinimas ni Mam Violy ang braso ng asawa.
“Iniligtas mo kami ni Noime. Kung hindi ka nakarating, baka kung ano na ang nangyari sa akin at kay Noime.’’
“Noon pa kita sinusubaybayan at binabantayan.’’
“Sabi nga ni Jo. Lagi ka raw nakatambay sa coffee shop. Pero bakit hindi kita nakikita.’’
“E p-paano, nakatutok ka lagi sa pagkukuwenta.’’
Nagtawa si Mam Violy.
“Ah, oo nga. Hayaan mo at kapag magaling ka na, hindi na ako magtitinda. Sa bahay na lang tayo lagi.’’
“Promise?’’
“Oo.’’
“E kung gawa tayo ng baby.’’
“Sira ka talaga.’’
Maya-maya biglang dumating si Noime at niyakap ang ama. Masayang-masaya sila.
(Itutuloy)
- Latest