“KAYO po ba ang kamag-anak ng pasyente?’’ Tanong ng doctor.
“Opo! Ako po ang asawa! Kumusta na po ang asawa ko, Doktor?” Sunud-sunod na tanong ni Mam Violy.
“Ligtas na po siya.”
“Marami pong salamat. Maraming salamat Diyos ko at buhay si Nado.’’
“Nasa ICU pa po siya. Maaari pong magtagal siya roon. Ang magandang balita ay wala nang panganib sa buhay niya.’’
“Salamat po! Salamat!” Sabi ni Mam Violy at humagulgol ng iyak.
Umalis na ang doctor at nurse.
Inakbayan naman ni Jo si Mam Violy at tinapik-tapik sa balikat.
“Sabi ko na’t hindi hahayaang mawala sa iyo si Tatang Nado. Mabait ang Diyos, Mam Violy.’’
“Oo, Jo. Tama ka. Walang kasingbait ang Diyos. Pinakinggan niya ang dasal ko. Ngayon ay maaari nang magkaroon ng katuparan ang pangarap kong magkasama na kami nang tuluyan ni Nado. Yung mga nawala naming taon ay maaari pang sulitin. Maaari pa kaming lumigaya!”
“Oo naman, Mam Violy. Natupad naman ang wish ni Tatang Nado. Sabi niya noon, basta mapatawad mo lang siya, maaari na siyang mamatay. Iyon lamang po ang kanyang nais kaya napilitan siyang bumaba ng bundok.’’
“Salamat sa iyo Jo at naisama mo siya para muling mabuo ang aming pamilya.’’
“Nung una po ay ayaw niyang sumama sa amin ni Princess. Natatakot daw po siya. Pero napagpayuhan po namin ni Princess na kailangang bumaba na siya para makita kayong mag-ina.’’
Walang kakurap-kurap si Mam Violy sa pagkakatingin kay Jo.
“Sabi po ni Tatang Nado hindi niya alam ang gagawin para makuhang muli ang loob n’yong mag-ina. Payo po namin, gumawa siya ng isang kahanga-hangang bagay sa inyong mag-ina. At simula po noon, lagi ka na niyang binabantayan sa iyong tindahan.’’
Napaiyak muli si Mam Violy.
“Paglilingkuran si Nado. Lahat ay gagawin ko para sa kanya. Kahit maubos ang naipon ko para siya mapaligaya. Kawawan naman siya. Inilaan niya ang buhay para sa amin ni Noime.”
Humanga si Jo kay Mam Violy.
MAKALIPAS ang isang linggo, inilipat na sa isang private room si Tatang Nado. Hindi pa ito maaaring kausapin. Laging nakabantay si Mam Violy sa asawa.
Kung minsan, nakakatulog si Mam Violy habang nasa tabi ni Tatang Nado.
Minsang nakatulog siya, nagulat siya nang maramdamang pinipisil ni Tatang Nado ang kanyang palad.
(Itutuloy)