ISANG 51-taong gulang na artist mula sa Germany ang gumagawa ng mga kahanga-hangang iskultura mula sa toothpick. At dahil maliit ang mga toothpick na ginagamit ni Ragna Reusch-Klinkenberg kailangan pa ng magnifying glass para lamang makita ang mga ito.
Mahilig si Ragna sa paglilok gamit ang kahoy at hindi na rin bago sa kanya ang paglililok gamit ang maliliit na mga materyales. Sa katunayan nga ay matagal na siyang naglililok ng maliliit na mga iskultura gamit ang mga kahoy na sipit na kanyang ipinagbebenta.
Nagsimula siyang gumamit ng toothpick nang minsang maubusan siya ng kahoy na sipit. Nagkataong may toothpick siyang nakuha sa kanyang bulsa kaya iyon ang pinagdiskitahan niyang gamitin para gawing iskultura.
Gumagamit si Ragna ng isang maliit na blade para sa paglilok ng mga toothpick. Nakamamanghang hindi na niya kailangan ng magnifying glass sa kanyang paggawa dahil sapat na ang kanyang salamin sa mata para maging eksakto ang kanyang paglilok sa toothpick.
Naglililok din si Ragna nang malalaking piraso ng kahoy gamit ang chainsaw ngunit ang kanyang mga obra gamit ang toothpick ang nagbigay sa kanya ng kasikatan. Patunay nito ang mga hindi na niya mabilang na mga exhibit na ginawa sa iba’t ibang siyudad sa buong mundo.