Pre-school para sa matatanda, binuksan sa New York

ISANG kakaibang eskuwelahan ang binuksan kamakailan sa Brooklyn, New York.

Isa itong pre-school pero sa halip na mga bata, pawang mga matatanda ang kanilang mga tinatanggap na estudyante.

Pre-School Mastermind ang pangalan ng eskuwelahan at ang 30-taong gulang na si Michelle Joni Lapidos ang nakaisip sa kakaibang konsepto ng pre-school na ito. Nakapag-aral si Michelle ng pre-school education at matagal na niyang gustong maging pre-school teacher.

Naisipan niyang magtayo ng isang pre-school para sa matatanda dahil para sa kanya ay mahalagang hindi makalimutan ng tao ang kanilang mga naging karanasan noong sila ay mga musmos pa lamang.

Kaya naman puro mga aktibidad na pambata ang mararanasan ng mga mag-e-enroll sa kanyang kakaibang pre-school. May show and tell, finger painting, trip to Jerusalem­, at iba pang mga laro na karaniwang ginagawa sa mga klase sa pre-school. Katulad ng mga toddler sa isang pangkaraniwang pre-school ay puwede ring umidlip ang mga matatandang estudyante ng Pre-School Mastermind kung gugustuhin nila.

Umaabot sa $1000 (katumbas ng higit sa P44,000) ang ‘tuition’ sa Pre-School Mastermind. Tumatagal ng isang buwan ang mga klase. Nagsimulang tumanggap ang pre-school ng mga estudyante noong simula ng Marso kaya magkakaroon na ang eskuwelahan ng unang batch ng ‘graduates’ bago matapos ang buwang ito.

Show comments