SA mga magbabakasyon ngayong Semana Santa, para sa inyo ang all points bulletin ng ito.
Mag-ingat sa mga bahay na uupahan at uukupahan ninyo. Baka ang inyong mga tutuluyan, patibong at BITAG pala ng mga sindikato.
Sa halip na masayang long weekend kasama ang inyong mga kaanak at kaibigan, mauwi sa iyakan at umuwi kayong luhaan.
Aktibo at listo rin kasi ngayon ang tropa ng mga akyat-bahay. Alam nila kung anong mga lugar ang dadagsain ng mga bakasyunista. Sa files ng BITAG, isa ang Baguio City sa mga dinadagsa tuwing Kuwaresma.
Kaya bago pa man ang peak season, nauuna na silang umupa ng mga bahay-bakasyunan. Namumuhunan para malaman at mapag-aralan ang bawat sulok, labasan at lagusan ng bahay.
At bago pa nila iwanan ang lugar, sinisiguro nilang may hawak silang duplicate key ng pintuan.
Markado na nila ang mga bahay na kanilang inupahan. Kadalasan mga nasa pribado na mas hinahanap ng mga gusto talaga ng bakasyon.
Hindi nananakot ang BITAG. bagkus nagbibigay impormasyon at babala lamang kung papaano makaiwas sa modus ngayong Semana Santa.
Kaya sa mga magbabakasyon lalo na ang magtatagal ng ilang araw o linggo, piliin ang bahay na inyong tutuluyan. Palitan agad ang door knob ng mga pintuan, magdagdag ng mga double lock o trongka para hindi madaling mapasok ng mga kawatan.
Hindi ‘yung saka lang kayo iiyak kapag nasalisihan at nalimas na ang inyong mga kagamitan,gadget, mahahalagang dokumento at credit cards.
Tandaan, walang kwaresma ang mga putok sa buho. Pinipili pa nga nila ang ganitong mga panahon dahil alam nilang abala ang publiko sa aktibidades kasama ang kanilang pamilya.
‘Wag mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima.
Mag-ingat, mag-ingat.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.