(Last Part)
SI Floyd Mayweather Jr. ang number 1 sa listahan ng The World’s 100 Highest-Paid Athletes ng 2014. Kung ang mga super-rich athletes na sina Tiger Woods (golf) at Tom Brady (football) ay natatakot na ihayag sa publiko ang kanilang kayamanan, aba, itong si Mayweather ay ipino-post pa ang kayamanan sa Twitter at instagram.
May video siya na nagbibilang ng one million cash habang nakasakay sa kanyang eroplano. O, kaya ay picture na katabi ang taksan ng pera na idedeposito niya sa bangko. Ang kanyang instagram account ay puno ng money pictures.
May picture siya ng 5 o 6 na white cars na nakahanay sa harapan ng kanyang mansiyon. Isa pang picture ng ilang black cars na nakahanay din sa harapan ng kanyang ikalawang mansiyon.
Minsan, nag-post siya sa instagram ng kanyang mga kotse. Kasunod nito ay ora mismong survey sa kanyang mga fans: Alin sa mga kotseng naka-post ang dapat niyang gamitin sa araw na iyon?
Puwede bang makalimutan na i-post niya ang kanyang paboritong kotse: ang $1,000,000 plus na Bugatti Veyron.
Kapag nagbibiyahe, bibili siya ng isang dosenang pares ng sapatos. Isang beses lang susuutin tapos iiwan na sa hotel. Bahala na kung sino ang may gustong kumuha sa staff ng hotel.
Sabay-sabay niyang isinusuot ang kanyang mga mamahaling kuwintas. Dahil sa kadidispley ng mga kuwintas, ninakawan siya ng $7 million worth ng alahas sa loob ng kanyang mansiyon.
Ang lahat ng kanyang ginagawang pagdidispley sa kanyang kayamanan ay bunga ng kawalan niya noong bata pa. Kailangan pang mag-perform ng nakakahilong back flips sa harapan ng mga turista para lang makabili ng inaasam na hamburger.
Sources: Wikipedia, businessinsider.com, forbes.com