ISANG babae sa Egypt ang kamakailan lang ay naging laman ng mga balita dahil sa 43 taon niyang pagpapanggap na lalaki para lamang makapaghanapbuhay.
Dalawampu’t isang taong gulang lamang si Sisa Abu Daooh nang siya ay mabiyuda. Napilitan siyang magtrabaho dahil wala na siyang ibang maasahan noon at kailangan niyang buhayin ang anak.
Napilitan siyang magpanggap na lalaki dahil sa konserbatibong kultura sa Egypt na hindi maganda ang pagtingin sa mga babaing naghahanapbuhay. Kaya naman nagsuot siya ng jilbab na isang uri ng kasuotan na maluwag at mahaba upang hindi mahalata ang kanyang pagiging babae. Bukod dito ay nagsuot din siya ng turban at itim na sapatos upang makumpleto ang kanyang pagpapanggap.
Ito ang naging kasuotan ni Sisa sa loob ng 43 taon niyang pagtratrabaho bilang isang laborer sa mga construction site. Binuhay niyang mag-isa ang kanyang anak na nakapag-asawa rin. Sa kasamaang-palad, nagkasakit ang asawa ng kanyang anak kaya siya na rin ang bumuhay sa kanyang mga apo.
Kuntento naman si Sisa sa kanyang trabaho dahil para sa kanya ay mas mabuti na ang mabigat na trabaho sa construction kaysa magpalimos sa kalye.
Kinilala naman si Sisa ng isang grupo sa Egypt dahil sa mga sakripisyong ginawa para buhayin ang kanyang mga mahal sa buhay.