‘Kuryente’

Marahil dahil sa umaapaw na suporta at pagmamahal na ipinakita ng nakakaraming Pinoy sa kabayanihang nagawa ng SAF 44, kasama na ang mga nasugatan at nakaligtas nilang mga kasamahan sa naganap na Mamasapano incident, kaya marami naman ngayon ang nagnanais at gumagawa ng sari-saring senaryo­ para sirain ang naging tagumpay ng mga ito nang mapatay ang international terrorist na si Marwan.

Mukhang ‘nakuryente’ o nakatanggap ng maling impor­masyon si Senator Antonio Trillanes nang sabihin nito na nilansi makaraang lasingin ng tauhan ng PNP-SAF ang ilang Army commanders, isang araw bago ilunsad ang ‘Oplan Exodus’ sa Mamasapano, Maguindanao.

Matitindi ang mga naging pahayag ni Trillanes na nagsabi pang nais ng SAF na masolo ang misyon kaya ginawa ang panlalansi.

Ang tinutukoy na nilasing ay sina Army’s 601st Infantry Brigade Commander Col. Mel­qiuades Feliciano at Army’s 45th Infantry Battalion (IB) Commander Lt. Col. Romeo Bautista na inimbitahang mag-dinner sa  Koronadal City, North Cotabato  kasunod nito ay nagkaroon ang mga ito ng happy hour sa isang inuman.

Ngayon, mismong isang Army Colonel ang nagsabing nagkamali ng impormasyon si Trillanes dahil hindi mga taga-SAF ang nag-imbita sa mga ito.

Sumakay o mistulang ‘nakuryente’ rin sa isyu sina  AFP Chief of Staff Gen. Catapang at ma­ging si Defense Secretary Voltaire Gazmin makaraang magbigay din sila ng komento ukol dito.

Parang pinapalabas, ayon na rin sa Director ng SAF na si Moro Virgilio Lazo na ang in­sinuation nito ay iniisahan ang kanilang counterparts.

Malayo umano sa katotohanan na miyembro ng SAF ang nag-imbita sa mga komander ng Army dahil na rin sa ilalim ng protocol ng SAF, bago ang anumang misyon inilalagay sa isolation ang kanilang tropa para matiyak na handa na sila sa misyon at para na rin hindi ma-leak ang anumang impormasyon.

Show comments