EDITORYAL – Mag-appoint na ng permanenteng PNP chief

DALAWANG buwan na ang nakararaan mula nang mangyari ang madugong enkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) troopers. At ganun na rin halos katagal na walang permanenteng hepe ang Philippine National Police (PNP). Ang umaaktong hepe sa kasalukuyan ay si Gen. Leonardo Espina. Siya ang itinalaga sa puwesto makaraang ma­suspinde si PNP chief Alan Purisima noong Disyembre­ dahil sa anomalya. Hanggang sa mangyari na ang Mamasapano clash at tuluyan nang nagbitiw si Purisima noong Pebrero. Lumalabas na kahit suspendido si Purisima ay siya ang nagpa­patakbo sa Oplan Exodus. Inuutusan niya ang sinibak na SAF commander Getulio Napeñas. Siya rin ang nagsabi na ilihim ang operasyon kina DILG Sec. Mar Roxas at Espina.

Nang lumabas ang report ng Board of Inquiry (BOI) at Senado, kasama si President Aquino sa may responsibilidad sa nangyaring operasyon. Walang koordinasyon ang SAF sa military kaya hindi agad nasaklolohan.

Ang nakapagtataka ay kung bakit hanggang ngayon, wala pang permanenteng PNP chief na itinatalaga ang Presidente. Walang gaanong kapangyarihan si Espina kaya hindi rin siya makagawa ng mga mahahalagang pasya para sa ikabubuti ng PNP.

Isa pa, maraming nangyayaring krimen sa ka­salukuyan — patayan, holdapan, pagsalakay ng riding-in-tandem, at marami pa. At walang magawa ang PNP kung paano mahuhuli ang mga kriminal. Wala na ring pinatutupad na checkpoint. Kung may permanenteng PNP chief, mayroong magpapasya at magiging buo ang loob ng mga tauhan. Kung walang PNP chief, walang direksiyon. Parang barko na walang kapitan. Maaaring mapahamak sa laot.

Show comments