CHR, kontrabida sa PNP

MAITUTURING na walang gagawing tama ang Phi­lippine National Police (PNP) basta’t sangkot sa anumang engkuwentro o labanan.

Nakakapagtaka dahil sa report ng Board of Inquiry at Senado, lumitaw na mina­saker at sumobra ang puwersang gina­mit ng Moro Islamic Libe­ration Front (MILF) sa pakikipagsagupa sa Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.

Subalit ayon sa Commission on Human Rights (CHR), mali raw ang Senate report sa pagdedeklarang masaker ang sinapit ng 44 troopers.

Sinabi pa ni CHR chairperson Etta Rosales na hindi masaker na maituturing dahil armado rin daw ng baril ang SAF troopers na may pagkakataong lumaban sa MILF.

Sana ay kumuha muna ang CHR ng report sa PNP crime laboratory para malaman ni Rosales kung papaano namatay ang 44 troopers na ang ilan ay wasak ang bungo at mukha na hindi na makilala dahil binaril nang malapitan. Ninakawan pa ng mga personal na gamit ang troopers at batay sa mga lumabas  na video, buhay at nakahandusay, pinagbabaril pa ang mga ito.

Bukod dito, umaga pa lamang  ay ipinaalam na sa liderato ng MILF na ang nakakasagupa ng kanilang miyembro sa Mamasapano ay taong gobyerno kaya dapat, agad na itinigil na ang bakbakan dahil sila ay nakikipag-usap ng kapayapaan sa gobyerno.

Dahil dito ay muling pinatunayan ng CHR na kontrabida ito sa buhay ng PNP at ang nakakatawa rito ay baka sa dakong huli ay lumabas na nag-suicide ang 44 troopers sa Mamasapano at ang dapat na kilalaning bayani ay ang MILF.

Ang CHR ay dapat nagbabantay sa anumang paglabag sa karapatang pantao at batay sa kanilang imbestigasyon ay hindi karumal-dumal ang pagkamatay at walang nalabag sa karapatang pantao ng 44 troopers na buhay pa na maaring gawing prisoner of war ng MILF.

Ang tono ng CHR at ng government peace panel ay magka­pareho at tila may kumumpas upang huwag mapurnada ang peace talks sa MILF pero hindi naman matutulog ang publiko at gising ito sa kamalayan sa mga nangyayari sa ating bansa lalo na para sa interes ng bansa.

Show comments