NASALO ni Tatang Nado ang Kamagong na inihagis ni Mam Violy. Nang mahawakan ni Tatang Nado ang Kamagong ay para bang nagkaroon ng kakaibang lakas ang kanyang kamay. Parang may nanulay na kur-yenteng nagdulot ng malakas na boltahe dahilan para hatawin niya nang sunud-sunod ang lalaki.
“Tingnan ko ang tigas mo! Um! Um! Um!’’
Tinamaan sa mukha, balikat at kamay ang lalaki. Dahilan para tumalsik ang baril nito.
Nakatingin at namamangha naman si Mam Violy sa bilis na ipinakita ni Tatang Nado. Kahit matanda na ay mabilis pa rin sa paghawak ng Kamagong. Sanay na sanay pa rin ito. Dati nang marunong ng arnis si Tatang Nado. At naisip ni Mam Violy, kung hindi niya dinala ang Kamagong sa pag-alis noon sa probinsiya, ano kaya ang gagamitin ni Tatang Nado na pangproteksiyon sa sarili. Kaya siguro ganoon na lamang ang pagnanais niyang madala ang Kamagong ay dahil iyon ang gagamitin ni Tatang Nado. Dinala niya iyon kahit na mapait ang naranasan niya sa piling ni Tatang Nado. Pero minsan, naisip din niyang igatong ang Kamagong noon dahil sa masaklap na dinanas kay Tatang Nado. Pero napigilan niya ang sarili na gawin iyon. Kung sinunod niya ang utos ng isip, baka naging abo na ang Kamagong at walang nagamit si Tatang Nado.
At muli, naitanong ni Mam Violy kung paano nalaman ni Tatang Nado na nasa panganib siya. Kanina, nang hinihipuan na siya ng lalaki, nagdasal siya na sana’y iligtas siya ng Diyos. Mayroon sanang dumating na magliligtas sa kanya.
At sa pagtataka niya, biglang sumulpot si Tatang Nado at nakipaglaban sa manyakis na gusto siyang lurayin. Darating pala ang kanyang asawa at ililigtas siya. Pero may tanong pa rin siya: Nagbago na kaya ang asawa? O tulad pa rin ito ng Nado na malupit, babaero at lasenggo?
Nagulantang si Mam Violy nang biglang magsalita ang lalaking kalaban ni Tatang Nado.
“Akala mo, wala na akong baril ha? Tapos ka nang matanda ka,’’ sabi at binunot sa baywang ang isa pang baril. Mayroon pa pala itong baril.
Kinalabit nito ang gatilyo at pinutok. Bang!
Sapol sa tiyan si Tatang Nado.
Pero kahit na may tama sa tiyan, nadaluhong pa rin nito ang lalaki at walang patlang na pinalo nang pinalo. Sa ulo at mukha tinamaan. Umagos ang dugo sa ulo ng lalaki.
Pero kahit may sugat na, nakapagpaputok muli. Bang!
Sapol si Tatang Nado sa balikat.
Pero lalo pa itong tumapang. Muling inupakan ang lalaki at mas malalakas na hataw ang binigay sa lalaki.
Hanggang sa bumulagta ang lalaki. Duguan. Hindi na yata humihinga. Hawak pa rin ang baril.
Si Tatang Nado naman ay tila nauupos na kandila. Duguan ang tiyan at balikat. Hanggang sa bumagsak ito. Hinahabol ang paghinga.
“Nadooo! Nadoooo!’’
Ang sigaw ni Mam Violy ay narinig sa kapitbahay. Hanggang sa may marinig siyang nagbukas ng gate at ang pintuan.
“Mama! Mama! Nasaan ka Mama!”
Ang kanyang anak na si Noime!
‘‘Noime!’’ sigaw ni Mam Violy.
Mabilis na nakadalo si Noime. (Itutuloy)