Manong Wen (240)
“NADO!’’ Sigaw ni Mam Violy na hindi makapaniwala sa biglang pagsulpot ng asawa. Pagkaraan nang mahigit 20 taon ay narito ang asawa niya. Paano nalaman ni Nado ang tirahan niya? Paano nito nalaman na nasa panganib siya.
Nakipagbuno si Tatang Nado sa lalaki. Hinawakan ng kaliwang kamay niya ang baril na hawak ng lalaki sabay upak ng suntok sa mukha. Napangiwi ang lalaki sa lakas ng suntok. Sadsad ang lalaki pero hindi pa rin binibitiwan ang baril.
“Hayup kang matanda ka, “ sabi ng lalaki at iniumang ang baril kay Tatang Nado.
Napasigaw si Mam Violy. “Nado babarilin ka!”
Sa sigaw na iyon ay mabilis na nadamba ni Tatang Nado ang lalaki. Nagpambuno na naman sila. Nagpagulung-gulomg sila. Nag-aagawan sila sa baril. Pilit itinutututok ng lalaki kay Tatang Nado ang baril.
“Tapos ka na, Tanda!” sabi nito. Pero mabilis na naiiwas ni Tatang Nado ang bunganga ng baril sa kanyang mukha. Naibaling niya ito sa katawan ng lalaki. Pilit niyang inaabot ang gatilyo ng baril pero matigas ang daliri ng lalaki. Ayaw maalis ang hintuturo sa gatilyo.
Samantala, nag-iisip ng paraan si Mam Violy kung paano matutulu-ngan si Tatang Nado. Kaila-ngang pagtulungan nila ang hayop na lalaki.
Hanggang sa maalala niya ang naitagong bagay sa cabinet na nasa kuwartong iyon. Matagal na niyang itinago iyon. Agad siyang gumapang palapit sa lumang cabinet. Binuksan niya.
Mabilis niyang kinuha ang arnis na Kamagong! Si Tatang Nado ang may-ari ng Kamagong. Dinala iyon ni Mam Violy nang lumayas sila sa probinsiya. Iyon ang Kamagong na hinahanap ni Tatang Nado.
Samantala, nakakawala ang lalaki sa pagkakahawak ni Tatang Nado. Tinutukan niya ito!
“Patay ka ngayon, Tanda!”
Kinalabit ang gatilyo. Dalawang sunod na putok.
Nakadayb si Tatang Nado at naiwasan ang bala.
“Hindi ka na makakalibre ngayon!” Sabi ng lalaki.
Pero bago nakalabit, naihagis ni Mam Violy ang Kamagong kay Tatang Nado!
Nasalo iyon ng matanda!
(Itutuloy)
- Latest