NANG salantain at magka-meltdown ang nuclear plants sa probinsya ng Fukushima dahil sa tsunami na tumama doon noong 2011, maraming residente sa nasabing lugar ang inabandona na ang kanilang mga tahanan. Damay sa pag-abandonang ito ang kanilang mga alagang hayop na karamihan ay iniwan pang nakatali ng kanilang mga amo na umasang makakabalik pa sila pagkatapos ng sakuna.
Ang nakaaawang kalagayang ito ng mga hayop sa Fukushima ang dahilan kung bakit sa kabila ng paglikas ng lahat ng residente dahil sa nakamamatay na radiation mula sa mga nawasak na nuclear plant ay pinili pa rin ng 53-taong gulang na si Naoto Matsumura na manatili upang alagaan ang mga hayop na naiwan.
Ngayon ay siya na ang nagpapakain araw-araw sa mga hayop na ito na kinabibilangan ng 2 pusa, 1 aso, 1 ostrich, 31 baka, at 4 na baboy-ramo. Kinailangan pa niyang akuin ang pag-aalaga sa 31 baka na dapat sana ay kakatayin na ng gobyerno dahil sa kawalan ng mag-aalaga sa mga ito.
Hindi naman iniinda ni Naoto ang napakataas na lebel ng radiation sa kanyang paligid. Sinasabing 17 na beses ang taas ng level ng radiation na tinatanggap ng kanyang katawan araw-araw kumpara sa isang tao na nasa ligtas na lugar. Hindi naman ito iniisip ni Naoto dahil ayon daw sa mga sumuri sa kanya ay nasa 30 hanggang 40 taon pa bago niya maramdaman ang mga pinsalang sanhi ng mataas na lebel ng radiation sa kanyang katawan.
Sa edad niyang 53, hindi na siya umaasang mabubuhay pa siya ng ganun katagal kaya okay lang sa kanya kung ano man ang magiging epekto ng radiation sa kanya.