ISANG hi-tech na dog house ang ginawa ng kompanyang Samsung para sa mga dog owners na handang gastusan ang kanilang mga alagang aso. Aabot sa $30,000 (katumbas ng P1.3 milyon) ang presyo nito.
Napakamahal ng ginawang tirahan ng aso ng Samsung dahil kumpleto ito sa mga makabagong teknolohiya na magpapasarap sa buhay ng asong titira sa loob nito. Mayroon kasi itong automatic food dispenser, tread mill na nababalutan ng artipisyal na damo, maliit na pool, at tablet na puwedeng paglaruan ng aso.
Ayon sa gumawa ng hi-tech na dog house ay iniayon lang nila ang disenyo nito sa isinagawa nilang survey na kinabibilangan ng 1,500 dog owners. Nilagyan nila ito ng mga makabagong teknolohiya dahil nalaman nila mula sa survey na 65 porsiyento ng mga may alagang aso ay gustong may mga hi-tech na gadget ang titirhan ng kanilang alaga. Dalawampu’t limang porsiyento naman sa kanilang na-survey ay gustong may sariling tablet, TV, at treadmill ang kanilang aso samantalang 18 porsiyento ang gusto ng sariling hot tub para sa kanilang alaga.
Sinunod ng mga nagdisenyo ang resulta ng survey kaya naman punumpuno ang dog house ng iba’t ibang makabagong kagamitan.
Unang ipinakita sa publiko ang hi-tech na dog house sa isang engrandeng dog show na ginanap sa United Kingdom.