LITUNG-LITO ngayon ang mga mamamayan sa Makati city na walang pakialam sa pulitika hinggil sa report na dalawa ang tumatayong mayor ng lungsod.
Alinsunod sa kasalukuyang sitwasyon ay agad ng bumalik sa trabaho si Mayor Junjun Binay matapos na maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals na pumipigil sa suspension order na inilabas ng Ombudsman.
Pero nanindigan naman ang DILG na wala nang bisa ang TRO ng CA dahil naunahan na ito ng panunumpa sa tungkulin ni Vice Mayor Kid Peña.
Naglabas din ng pahayag ang Ombudsman na wala nang bisa ang TRO dahil naipatupad na ang suspension order laban kay Mayor Binay.
Kung ang tatanungin ay ang kampo ng mga Binay at tagasuporta nito ay kanilang iginigiit na napigilan na ang suspension order ng Ombudsman kaya balik-trabaho na si Mayor Binay.
Pero ang nakakalilito ay ang posisyon ng DILG na si Vice Mayor Kid Peña ang acting mayor at ito ang kasalukuyang sinusunod ng pnp.
Ang nakababahala ay ang kapakanan ng taumbayan dahil tiyak na apektado ang kanilang interes lalo na ang mga may transaksiyon sa Makati City hall.
Dapat ay maglabas ng paglilinaw ang Court of Appeals kung nabalewala na ang TRO nito matapos na maunang maipatupad ang suspension order at nakapanumpa na ang acting mayor.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang kaguluhan at tensiyon sa Makati City hall.