‘Hindi na nadala!’
LUMANG tugtugin sinayawan mo pa. Tinapay na may amag, kinagat pa rin!
“Idinaan kami sa magandang pangako. Sa huli pangako na lang ang natira at wala na ang naunang usapan,” sabi ni Angela. Habang ika’y nakaupo lamang may nagpapaikot at nagtatrabaho upang tumubo ang iyong pera. Wala kang kahirap-hirap kundi magbilang lamang ng iyong kita bawat buwan.
Ito ang nagpakagat kina Angela Liwag, 30 taong gulang, Aleli Zapanta-29 at Forever Ilago-31.
Taong 2008 nang makilala ni Angela si Reginald Javier na noo’y kasama nila sa trabaho. May nababalitaan na daw silang negosyo nitong si Reginald ngunit hindi nila alam kung anong uri ito. Nung nagkaroon ng sampung libong piso sa bangko si Angela siya na mismo ang lumapit kay Reginald.
“Inisip ko kasi dapat mag-invest ako para kumita. Sayang kasi kapag hinayaan ko lang sa bangko,” wika ni Angela.
Taong 2012 nang maisipan ni Angela na mag-invest. Sa sampung libong piso daw ni Angela ay kikita siya ng 10% bawat buwan. Babayaran daw siya tuwing ikalabing tatlo ng buwan. Nang maayos ang naging takbo ng negosyong sinasabi nito maganda din ang kita ni Angela. Makalipas ang isang taon nagdagdag pa siya ng Php50,000. Nakukuha niya pa din sa oras ang interes nito.
“Nung taong 2014 nagdagdag ulit ako ng Php50,000. Lahat-lahat umabot na sa Php110,000 ang investments ko sa kanya. Pagdating ng katapusan ng Nobyembre 2014 hindi ko na nakuha ang interes,” pahayag ni Angela.
Kinausap niya si Reginald tungkol dito. Nangako itong magdedeposit sa kanya ng pera ngunit hindi naman natupad. Pebrero daw makakapagbigay na siya. Sa Facebook (FB) na lang sila nagkakausap dahil nasira daw ang cellphone ni Reginald. Ilang araw ang nakalipas nabalitaan na lamang ni Angela na nagbitiw na sa kanyang trabaho si Reginald. Si Aleli naman ay nakumbinse ng maikwento sa kanya ni Angela ang pinagkakakitaang investment nito. Enero 2014 nang magbigay siya ng sampung libong piso.
“Maganda ang kita kaya nagdagdag ako ng Php40,000. Nung pinadala ako ng kompanya ko sa Japan may nakuha akong pera pag-uwi ko. Php150,000 ang ininvest ko,” kwento ni Aleli.
Usapan nila tuwing ikalabing-lima ng buwan maiibigay ang interes. Tulad ng kay Angela natatanggap niya pa ng maayos ang kita. Ngunit nang sumapit ang buwan ng Nobyembre 2014 dun na sila nagkaproblema. Kinukulit pa din niya si Reginald kung kailan niya makukuha ang interes. Nangako itong magbibigay ng Pebrero ngunit walang pera ang dumating sa kanya. Ganito din ang nangyari kay Forever Ilago. Pati ang kanyang nililigawan noon ay naisali niya rito dahil kung iisipin, wala silang gagawin kikita na ang kanilang pera.
“Agosto 2014 Php50,000 kaagad ang ininvest ko. Pinigilan ako ni Angela nun kasi malaki masyado ang simula. Nakikita ko naman na natatanggap niya sa oras ang interes kaya’t hindi ako nagpaawat,” salaysay ni Forever.
Sa ganda ng kinikita niya sa negosyong hindi naman nila alam kung paano kinikita noong Nobyembre 2014 nagbigay siya ulit ng Php50,000 at nung sumunod na buwan ay ang nililigawan naman niya ang napasali dito. Nung sinagot daw siya ng babae ay nilinaw niyang walang sisihan kung sakaling hindi kumita ang pera nito. Pumasok sa ganitong negosyong ang kanyang girlfriend dahil nakikita daw sa kanya na nakukuha niya ang kita bawat buwan. Pagdating ng katapusan ng Nobyembre hindi na nakakatanggap ng interes si Forever. Kinausap niya si Reginald ngunit nangako lamang ito magbibigay. Hindi din naman natupad.
“Ipinaliwanag ko sa gf ko na inaayos namin ito at sinusubukan naming kausapin si Reginald. Naiintindihan naman niya,” ayon kay Forever.
Puro lang daw pangako si Reginald sa kanila ngunit nitong huli ay hindi na nila ito mahanap at makausap. Nung huli ay sinabi nitong nasira ang kanyang cellphone kaya’t sa FB na lang sila mag-usap. Nitong huli kahit sa FB ay hindi na nila ito makausap. Nababahala sila na baka mangibang bansa ito sapagkat may kamag-anak umano ito sa Australia. Nais nilang tatlo na makuha ang kabuuan nilang pera. Kahit daw hindi na nito bayaran ang napag-usapang interes basta maibalik lamang ang pera ay ayos na sa kanila.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito nina Angela, Aleli at Forever.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaki nga kikitain ng pera ninyo, malaki rin ang panganib na kaakibat nito. Walang pinagkaibang ito na inalis mo sa bahay (institution) na bantay sarado at ligtas sa anumang mapang-abusong elemento at hinayaan mo itong ipasyal, diskartehan at paglaruan ng isang tao na ang tanging pinanghinahawakan ay ang galing mambola. Una mong dapat gawin ay magpadala ng ‘demand letter’ kay Reginald Javier at hilingin na ibalik ang kanilang pera sa loob ng limang (5) araw. Kung hindi tutupad ito magsampa na kayo ng ‘Collection of Sum of Money’.
Bilang tulong inirefer namin sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman kung talagang ‘modus’ na ito ni Reginald at maaring pumatak sa isang criminal na kaso gaya ng ‘Large Scale Swindling’ dahil ayon kay Forever, marami na silang nagoyo umano si Reginald. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest