KUNG meron ngang dagat sa Ganymede, posibleng merong nabubuhay dito o puwedeng manirahan at mabuhay ang sino man. Ang Ganymede ang pinakamalaking buwan sa planetang Jupiter at sa buong solar system. Ito lang ang buwan sa buong solar system na may sariling magnetic field.
Kumalat kamakailan ang kumpirmasyon ng National Aeronautics and Space Administration ng Amerika na merong karagatan sa ilalim ng yelong kalupaan ng Ganymede na nagbubunsod muli sa matagal nang hinalang merong buhay dito. Lumitaw umano ito sa pag-aaral ng mga scientist sa Ganymede gamit ang Hubble Space telescope na merong palatandaan na may dagat sa buwang ito. Pinatitibay din umano nito ang naunang nasilip ng dating Galileo spacecract ng NASA nang magsagawa ito ng exploration sa Jupiter at sa mga buwan nito mula noong 1995 hanggang 2003.
Tulad sa daigdig, ang Ganymede ay meron ding liquid iron core na lumilikha ng magnetic field bagaman ang magnetic field na ito ng buwan ay nakalublob sa magnetic field ng Jupiter. Sa magnetic field na ito, nagkakaroon ng aurora sa northern at southern polar region ng Ganymede.
Batay sa ulat, napansin ng mga scientist na hindi gaanong yumayanig ang aurora ng Ganymede tuwing maglilipat-lipat ang magnetic field ng Jupiter habang umiikot ang planetang ito. Sa pamamagitan ng mga computer model, napagtanto nila na kumokontra sa magnetic pull ng Jupiter ang isang hinihinalang karagatan sa ilalim ng niyebeng kalupaan ng buwan. Dahil umano sa karagatang ito, nababawasan ang pagyanig ng aurora ng Ganymede.
Nabibilang na ang Ganymede sa listahan ng mga buwan sa solar system na ipinapalagay na merong tubig sa ilalim ng kanilang mga lupa. Noong Miyerkules, iniulat ng mga scientist na merong hot spring sa ilalim ng niyebeng kalupaan ng Enceladus na isang buwan ng planetang Saturn. Meron din umanong palatandaan ng tubig sa Europa at Callisto na kabilang pa rin sa mga buwan ng Jupiter.
Tinataya ng mga scientist na ang karagatan sa Ganymede ay may kapal na 60 milya (100 kilometro) na 10 ulit na mas malalim kumpara sa karagatan ng Daigdig at nakalibing sa lalim na 95 milya mula sa icy crust nito.
Ayon nga kay Joachim Saur, geophysics professor ng University of Cologne sa Germany na nangunguna sa mga researcher na nagsuri sa nagniningning na mga aurora ng Ganymede, dapat umaabot na sa six degree ang pagyanig ng aurora kung ang magnetic field lang ng Jupiter ang humahatak dito. Pero natuklasan ng mga researcher na yumayanig lang sa two degrees ang aurora ng Ganymede. Kinukumpirma lang anila nito na merong karagatan sa buwang ito ng Jupiter.