Estudyante sa Russia, nakakagawa ng life-sized na tangke mula sa snow

KILALA na ngayon sa Russia ang estudyanteng na si Alexander Zhuikov dahil sa kanyang iskulturang tangke na gawa sa niyebe. Life-sized ang mga snow na tangke ni Alexander at mapagkakamalang talagang totoong tangke ito kung hindi mo ito titingnan nang malapitan.

Si Alexander, 20, ay nag-aaral sa Siberian State University of Telecommunication and Informatics at matagal nang may interes sa mga bagay na may kinalaman sa military. Kaya naman hindi siya nagdalawang isip na bumuo ng isang life-sized na tangke mula sa niyebe nang malaman niyang may pa-contest para dito.

Sinimulan ni Alexander ang paggawa ng tangke mula sa niyebe sa pamamagitan ng pagda-download ng mga larawan ng mga tangke mula sa Internet. Napili niyang gayahin ang modelo ng isang Russian na tangke at pagkatapos ay naghanap siya ng isang malawak na lugar sa kanilang bakuran kung saan niya puwedeng buuin ang kanyang dambuhalang snow sculpture.

Gumamit si Alexander ng 20 toneladang snow sa kanyang ginawang tangke. Upang hindi matunaw kaagad ang tangke ay gumawa pa siya ng silong para rito upang hindi masinagan ng araw habang binubuo.

Wala pang resulta ang contest na sinalihan ni Alexander ngunit lubos siyang umaasa na mananalo ang kanyang ginawang tanke.

Show comments