BOI report, naisumite na, isapubliko na!
KAHAPON, pormal nang isinumite ng binuong Board of Inquiry (BOI) ang kanilang report kaugnay sa naganap na insidente sa Mamasapano sa Maguindanao na doon nasawi ang 44 na tauhan ng PNP-Special Action Force (SAF).
Matagal-tagal na ring hinihintay ng marami nating mga kababayan ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng BOI, dahil dito nakasalalay ang maraming bagay.
Unang ibinigay ni PNP Director Benjamin Magalong na siyang nanguna sa BOI ang kopya ng report kay PNP-OIC Deputy Director Gen. Leonardo Espina na siya namang magdadala kay Sec. Mar Roxas ng DILG.
Si Roxas naman ang siyang magbibigay kay PNoy.
Hinihintay na rin ng Senado at ng Kongreso ang resulta.
Sa panig naman ng DOJ, malaking bagay din ang resulta ng inquiry sa kanila namang isinasagawang hiwalay na pagsisiyasat.
Sa panig ng BOI, nanindigan silang katotohanan ang nilalaman ng Mamasapano report.
Katotohanan ang hinangad na imbestigasyon ng BOI, ayon pa kay Magalong.
Matatag na sinabi pa nito na base sa resulta makakatingin sila ng diretso sa mata ng mga kaanak ng mga nasawing SAF.
Dahil sa mga pananalitang ito, mas lalo pa ngayong inaabangan ang pagsasapubliko ng naturang report.
Dito malalaman kung sino ang nagsisinungaling, kung sino ang nagtuturo lamang at kung sino ang talagang may malaking pananagutan.
- Latest