ISANG lalaki sa United Kingdom ang may kakaibang sakit: Sa kabila na hindi siya umiinom ng alak o ano pa mang inuming may alcohol, madalas siyang makaramdam ng mga sintomas ng pagkalasing.
Ang lalaki ay si Nick Hess at mayroon siyang karamdaman na kung tawagin ay auto-brewery syndrome na nagdudulot ng kanyang pagkalasing. Ginagawang yeast at alcohol kasi ng katawan ng may auto-brewery syndrome ang mga carbohydrates na nakukuha mula sa mga pagkain na katulad ng tinapay at kanin.
Ang yeast ang isa sa mga pangunahing sangkap ng mga nakakalasing na inumin katulad ng beer kaya naman talagang nalalasing palagi si Nick kahit hindi naman siya umiinom. Nalalasing siya dahil ang mga carbohydrates na kanyang nakukuha mula sa mga karaniwan niyang kinakain na katulad ng patatas at tinapay ay nagiging yeast at alcohol sa loob ng kanyang katawan na dahilan ng kanyang pagkalasing.
Noong una, inakala ng kanyang mga kapamilya at kaibigan na lasenggo si Nick dahil madalas itong umaktong lasing lalo na pagkatapos nilang kumain. Nagtataka naman ang kanyang asawa na si Karen dahil hindi naman nag-aamoy alak o beer si Nick sa kabila nito.
Nalaman na lamang nila ang tungkol sa kakaibang kondisyon ni Nick matapos ang hindi mabilang na hospital tests. Sa mga pagsusuring ito natuklasan na sobrang tumataas ang alcohol level sa katawan ni Nick kapag siya ay kumakain ng mga pagkaing mataas sa carbohydrates.
Kaya mula noon, low-carb diet na si Nick upang hindi na ‘malasing.’