Manong Wen (229)

NAKITA ni Tatang Nado na binigyan ni Mam Violy ng pera ang lalaki. Sigurado siyang pera ang ibinigay sa lalaki.

Pero naisip ni Tatang Nado, baka ang lalaki ay collector o supplier ng mga damit na paninda at naniningil sa kabayaran ng mga iyon. Pagkatapos makuha ang pera ay umalis na ang lalaki. Kutob ni Tatang Nado ay may baril ang lalaki.

Hindi na pinag-aksayahan ni Tatang Nado ng panahon ang lalaki. Itinuon niya ang paningin kay Violy. Napakaganda ng asawa niya! Hindi halatang 60 na ang edad.

Pagsapit ng alas-dos ng hapon, babayaran na ni Tatang Nado ang ininom na kape at kinaing ensaymada. Uuwi na siya. Bukas uli siya pupunta rito.

Makaraan ang isang linggo, nagtaka si Tatang Nado nang makita niyang muli ang lalaking nakita noong nakaraang linggo. Nakita niyang binigyan ni Violy ng pera ang lalaki. Palagay niya, isang libo ang iniabot o baka dalawang libo. Nakatiklop ang pera pero kabisado niya ang kulay ng isang libong piso.

Nagtataka na si Tatang Nado. Linggu-linggo ang paniningil ng lalaki kay Violy. Baka naman ganoon ang usapan nilang paniningil.

Pero ang pinagtataka niya habang iniaabot ang pera ay parang takot si Violy sa lalaki. Nakangisi naman ang lalaki habang nakatingin kay Violy. Mukhang kontrabida ang lalaki.

Nabanggit niya kay Jo ang napansin sa tindahan ni Violy.

“Baka nga collector ang lalaki, Tatang.’’

“Pero bakit linggu-linggo ang singil?’’

“Baka usapan nila na ganung araw ang singil.’’

“Siguro nga.’’

“Hindi naman Bumbay ang lalaki, Tatang?’’

“Hindi. Mukha ngang kontrabida eh.’’

“Baka naman taga-city hall?’’

“Aywan ko.’’

“Huwag n’yo nang problemahin yun.’’

Natahimik si Tatang Nado.

Maya-maya nagtanong ito. “Magpraktis tayo ng arnis­, Jo. Baka kinaka­lawang na tayo.”

“Sige, Tatang, matagal na akong hindi nakaka­hataw.’’

“Para maituro ko sa’yo ang mga bagong teknik.’’

“Sige po. Mabuti ngang praktisado tayo para anumang oras ay naka­handa.’’

“Sige, mamayang hapon, praktis tayo.’’

(Itutuloy)

Show comments