BUKAS na bukas pa rin ang malalakas na puwesto ng racehorse bookies ng magkasosyo na sina SPO3 Roberto “Obet” Chua at Ferdinand Sy sa Maynila at mukhang hindi ito kayang tibagin ng pulis-MPD. Ang bago lang ay ang mga bookies na matatagpuan sa 1726 Bocobo St., sa Malate at ang sa 421 Flores St., Alhambra, Ermita ay may mga “lookout” na. Ang ibig sabihin mga kosa, kumuha ng “lookout” o bantay sina Obet at Ferdie para maabisuhan sila kung mayroong mga pulis na nais mag-raid ang mga bookies nila. Gumastos sina Obet at Ferdie para lang mapaglalangan ang mga taga-MPD nang sa gayun hindi mahinto ang operation ng bookies nila. Sinabi ng mga kosa ko na noon nga na nakabalandra lang ang operation ng bookies nina Obet at Ferdie ay tamad na ang mga pulis MPD na ma-raid sila, sa ngayon pa kaya na may lookout? Kaya sa tingin ng mga kosa ko sa MPD, mahihirapan ang hepe nila na si Chief Supt. Rolando Nana na ipahinto itong malalakas na bookies operation nina Obet at Ferdie. Teka nga pala! Congrats kay Gen. Nana sa kanyang promotion! Puno na kaya ng kasangkapan ang condo unit ni Nana sa Maynila? Boom Panes! Hehehe! Ano sa tingin mo SPO1 Rudy Manayayam Sir?
Ang hindi maintindihan ng mga kosa ko ay kung bakit walang ginagawa ang pamunuan ng PNP para matigbak sa organization nila ang mga pulis na tulad ni Obet Chua? Hindi lang gambling lord itong si Chua kundi tong collector pa siya ng opisina ni CIDG chief Dir. Benjamin Magalong, ang isa sa mga kandidato para PNP chief. Maliban kay Chua ang isa pang pulis na gambling lord ay si SPO2 Gener “Paknoy” Presnedi. Karamihan din sa mga video karera operators sa Maynila ay mga pulis na rin, di ba Supt. Jackson Tuliao Sir? Sinabi ng mga kosa ko na unfair naman na karamihan sa mga pulis natin ay nagpapakamatay sa trabaho, tulad ng Fallen SAF 44, subalit sina Chua, Presnedi at iba pa ay pakuya-kuyakoy lang sa mga air-conditioned na opisina at nagpapayaman. Nag-rereport lang sila tuwing suweldo. At source pa ng corruption sina Chua, Presnedi at iba pang pulis na gambling lords dahil sa naglalagay sila sa kanilang superiors para hindi na sila markahang absent tuwing may roll call. Boom Panes! Hehehe! Ano na ang nangyari sa lifestyle check sa ating kapulisan? Puro press release lang? Nabaon na naman sa limot?
Napag-alaman ng mga kosa ko na si Chua ay naka-assign sa Field Office sa Maynila ng CIDG. Sinabi ni Supt. Danilo Macerin, ang hepe ng NCR CIDG na ipapa-relieve niya si Chua at i-assign sa holding center ng NCR CIDG. Hindi mapa-outside CIDG ni Macerin si Chua dahil nakaposas ang dalawang kamay niya dahil officer-in-charge (OIC) lang siya ng kanyang opisina. Hindi rin tiyak mapa-outside CIDG ni Magalong si Chua dahil pinapakinabangan niya ito bilang tong collector. At habang nasa NCR CIDG naka-assign si Chua, walang kasiguruhan na magrereport siya sa bago niyang assignment dahil siyempre uunahin niya ang pagbantay sa mga butas n’ya, di ba mga kosa? Sa biglang tingin, naparusahan si Chua subalit sa totoo lang, wala namang nabago dahil tuloy lang ang pagiging gambling lord n’ya at tong collector ng opisina ni Magalong. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Abangan!