Pasaway na drivers sa P10 bawas sa flag-down rate, tutukan!
Ipinatupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P10 bawas sa flag-down rate sa mga taxi.
Simula kamakalawa nang simulan itong ipatupad, nasumpungan na maraming mga driver ang hindi sumunod sa kautusan.
Dahil sa ang naturang rollback ay provisional lamang, hindi na kailangan pang ipa-recalibrate ang mga metro kundi awtomatiko na lamang magbabawas ng P10 ang mga driver sa total bill ng kanyang pasahero.
Eto ngayon, ang problema, may ilang pasahero ang hindi alam ang pagbabawas na ito, kaya ang total bill pa rin sa metro ang kanilang ibinabayad. Ni hindi man lang daw maringgan ang driver na sabihin ang may ipinatutupad na patakaran.
Marami naman na, mismong pasahero na ang nagbabawas sa kanilang bayad dahil nga aware sila sa kautusan, ang siste sila ngayon ang inaaway ng mga pasaway na driver.
Angkop din ang kautusang P10 rollback sa flag-down rate sa mga airport taxi na kung dati eh P70 ngayon ay P60 na lamang.
Ngayon kapapatupad pa lamang ng kautusang ito, marapat na magpakalat ng mga tauhan ang LTFRB, para tutukan ang mga driver na hindi sumusunod dito.
Madaling idahilan ng mga ito, ayon sa ilang pasahero na hindi daw nila alam ang bagong kautusan.
Malamang na palusot na lang ang mga ito, dahil sigurado na naabisuhan na rin naman sila ng kanilang mga operator.
Hanggang kahapon mahigit na sa 10 taxi ang inirereklamo kaugnay sa hindi pagtugon sa flag-down rate rollback.
Pinagpapaliwanag ang mga operators habang ang mga driver na hindi tutupad sa kautusan ay suspendihin ang lisensya.
Kaya nga sa mga kababayan nating mananakay ng taxi, tandaan may P10 bawas sa
flag-down rate sa mga taxi na pwedeng iawas sa total na halaga sa metro.
Sa mga nabibiktima ng mga abusadong driver, kunin ninyo ang pangalan ng taxi at plaka nito at isumbong sa mga kinauukulang ahensiya.
- Latest