NAMUTLA si Mam Violy sa sinabi ng lalaki. Napansin niyang may baril sa tagiliran ang lalaki.
“Ano nagkakaintindihan na tayo? Gusto ni Colonel pagbalik ko may dagdag na ang proteksiyon…’’
“Pero kabibigay ko lang noong nakaraang linggo.’’
“Bago na ang hepe. Kapag bago, bago rin ang tara. O gusto mo sabihin ko kay Colonel na tutol ka.’’
Lalong namutla si Mam Violy. Baka kung ano ang gawin sa kanya. Baka guluhin ang tindahan niya.
“S-sige, pagbalik mo, bago na.’’
“Ganyan. Bukas babalik ako.’’
Umalis na ang lalaki.
Nagbalik sa kanyang mesa si Mam Violy. Kinabahan siya. Bago na naman ang hepe kaya bago rin ang protection money. Matagal nang ginagawa sa kanya ang ganito. Alam kasing madali siyang takutin. Kung isusumbong naman niya sa mga awtoridad baka lalo siyang perwisyuhin. Hindi siya titigilan kapag nagsumbong siya. At saka kanino siya magsusumbong e tiyak na kabaro rin ang mga ’yun. Magtatakipan sila.
Napabuntunghininga na lamang si Mam Violy.
Ipinagpatuloy niya ang ginagawang pagkuwenta.
Nang mga sandali namang iyon ay nagkukuwento si Tatang Nado kay Jo ukol sa mga nangyari sa pagmamatyag kay Mam Violy.
“Nasubaybayan ko si Violy. Hindi ko hiniwalayan ng tingin.’’
“E di maligayang-maligaya ka, Tatang.’’
“Sobra-sobra Jo! Bukas ay pupunta uli ako.’’
“Opo. Kailangang subaybayan mo si Mam Violy.”
KINABUKASAN, nasa coffee shop na naman si Tatang Nado. Habang umiinom ng kape, nakatingin siya sa tindahan at sinubaybayan ng tingin si Mam Violy.
Dakong ala-una ng hapon, nagtaka si Tatang Nado sa kausap ni Mam Violy — ang lalaking humihingi ng protection money. Parang tinatakot si Mam Violy.
Sino kaya ang lalaki?
Hindi hinihiwalayan ng tingin ni Tatang Nado ang dalawa.
(Itutuloy)